Sari-saring isyu, iskandalo at pasabog na naman ang kinaharap ng bayan sa taong 2007.

Sariwa pa sa alaala nating lahat ang pag-aalsa nina Senador Antonio Trillanes IV, ilang sundalo at mga sibilyang lider sa Manila Peninsula. Pero naaalala pa kaya natin ang mga dahilan nila?

Bukod sa “Hello Garci,” fertilizer scam, at iba pang kalokohan sa mga nakalipas na taon, kabilang sa mga nagtulak kina Trillanes ang ZTE scandal, panunuhol sa mga gobernador at congressman sa Palasyo na ibinisto ni Fr. Ed Panlilio, ang buong kakapalang pagbasura sa impeachment at ang patuloy na pagpatay at pagdukot sa mga aktibista.

Noong Abril ay dinukot ng militar si Jonas Burgos, anak ni Joe Burgos na isang haligi ng pakikibaka para sa kalayaan sa pamamahayag. Tulad ng mga aktibistang UP students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, hindi pa rin siya natatagpuan.

Kinasuhan naman at ikinulong si Ka Satur Ocampo pero nanalo pa rin ang Bayan Muna party-list. Nananatiling nakapiit si Trillanes pero 11 milyong Pilipino ang bomoto para gawin siyang senador. Makalipas naman ang may isang taong pagkakakulong, nakalabas na rin si Ka Crispin Beltran. Ikinulong din si Joma Sison sa Netherlands, pero pinakawalan din siya.

Ngayong taon, isa na namang taga-UP ang nabiktima ng hazing. Namatay si Cris Anthony Mendez habang sumasailalim sa initiation rites ng Sigma Rho fraternity. Bilang protesta, itinakwil ni dating Senate President Jovito Salonga ang noo’y kinabilangan niyang kapatiran.

Samantala, labing-isa ang namatay sa pagsabog sa Glorietta at lima naman sa pambobomba sa Batasan.

Natagpuang patay sa Ifugao si Julia Campbell, isang Amerikanang Peace Corps volunteer.

Nang-hostage ang gurong si Jun Ducat para maiparating ang kanyang panlulumo sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.

Bida pa rin sa boksing si Manny Pacquiao at ang ilan pang mga boksingerong Pilipino.

Nang magsulat ang isang Malu Fernandez ng artikulong nanlait sa mga OFW, napuno ang mga blog, message board, at email ng galit at ganting panlalait sa pasosyal na kolumnista. Marami rin ang napikon sa palabas na Desperate Housewives nang maliitin nito ang medical schools sa Pilipinas. May mga na-bad trip din nang tawaging

“slut” ng isang satire TV show si dating Pangulong Cory Aquino.

Samantala, habang patuloy ang pangunguna nina Al Gore at Leonardo DiCaprio sa pandaigdigang kampanya para mapigilan ang climate change, maraming mga Pilipino naman ang nakiisa sa pakikibaka para sa demokrasya ng mga taga-Burma. Marami rin ang natawa nang kondenahin ni Arroyo ang kalagayan ng karapatang pantao roon, na para bang may malaking ipinagkaiba ang kanyang maladiktaturyang pamahalaan sa junta sa Burma.

Nakaiskor naman ang pangulo nang mapakiusapan niya ang Kuwaiti Emir na babaan ang hatol na bitay kay Marilou Ranario. Pero hindi pa rin nito mabubura ang katotohanang mas maraming Pilipino ang nagsasabing si Arroyo ang pinaka-corrupt na pangulo ng bansa mula noong panahon ni Marcos, at maraming Pilipino ang nais na magbitiw na siya.

Nahatulang namang nagkasala ng pandarambong si Joseph Estrada. Pinatawad siya ni Gloria.

Sana, sa susunod na taon mas magaganda ang mababalitaan natin sa loob at labas ng bawan nating sawi.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment