Isang kolumnista ang nagsulat na gusto na raw niyang maglaslas ng pulso nang maisip na makakasama niyang lahat sa eroplano ang OFWs na nakasalamuha niya sa duty-free shop sa Dubai nang mag-stop over sila sa biyahe niya papuntang Gresya.

“I forgot that the hub was in Dubai and the majority of [them] were stationed there. The duty-free shop was overrun with Filipino workers selling cell phones and perfume. Meanwhile, I wanted to slash my wrist at the thought of being trapped in a plane with all of them.”

Isang bahagi iyan ng isinulat ng isang Malu Fernandez, isang pasosyal na kolumnista ng Manila Standard Today, sa kanyang artikulong “From Boracay to Greece” na nalathala sa People Asia nitong Hunyo 2007.

Parang naimpyerno rin daw siya nang makasama ang maiingay na OFWs sa ecomy class ng sinakyang eroplano:

“While I was on the plane (where the seats were so small I had bruises on my legs), my only consolation was the entertainment on the small flat screen in front of me. But it was busted, so I heaved a sigh, popped my sleeping pills and dozed off to the sounds of gum chewing and endless yelling of ‘HOY! Kumusta ka na? At taga sann ka? Domestic helper ka rin ba?’ Translation: ‘Hey there? Where are you from? Are you a domestic helper as well?’ I though I had died and God had sent me to my very own private hell.”

Pati amoy ng OFWs, tinira niya: “On my way back, I had to bravely take the economy flight once more. This time I had already resigned myself to being trapped like a sardine in a sardine can with all these OFWs smelling of AXE and Charlie cologne while Jo Malone evaporated into thin air.”

Ipinost ko sa blog ko (http://ederic.tinig.com) ang link patungo sa buong artikulo. Doon ko rin ikinuwento kung paanong kumulo ang dugo ko nang mabasa ko ito. Naroon din ang reaksyon ng iba pang bloggers at mga mambabasa. (Sana, makarinig din ako mula sa inyo.)

Ayon pa kay Fernandez, na matigas na pinangatawanan ang kanyang mga isinulat, nagpapatawa raw siya. Kung nakabasa raw ng mas makapal man lang sa kanilang magazine ang mga nagbasa ng kanyang artikulo, mauunawaan nila ang ibig niyang sabihin. Pero ako, na adik sa mga libro, ay hindi natawa. Hindi rin natawa ang mga kaibigan ko. Ang nakita ko ay pambabalahura at pagyayabang. Ang nabasa ko ay pagpupumilit na magmukhang sosyal habang tinatapakan at ginagawang katawa-tawa ang masaklap na kalagayan ng ibang Pilipino.

At hindi katawa-tawa ang kinasasadlakang ito ng ating bayan at mga kababayan. Habang ang mga kagaya ni Malu Fernandez at ang mga kapamilya ng pangulo ay aliw na aliw sa pagpaparada ng kanilang mga bag na Louis Vuitton sa bakasyon nila sa ibang bansa, ang maraming Pilipino ay naluluha habang nag-iimpake sa mga walang pangalang maleta dahil kailangan nilang malayo sa mga mahal sa buhay at maglingkod sa mga dayuhan sa ibang bayan upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.

Sabi nga ni Vlad Gonzales, manunulat at kasamahan ko sa Tinig.com, ang usaping ito ay nag-uugat sa suliranin ng pagdarahop ng sariling bansa, at nakalulungkot na gagawing katatawanan ang pagsasakripisyo ng mga kababayan, pagsasakripisyo ng oras na kasama ang pamilya, ang pagsisilbi sa mga hindi kalahi, para lang makagawa ng “nakakatawang” artikulo.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment