Bago pa lumabas ang ikapitong aklat sa kuwento ni Harry Potter, ang batang bida sa daigdig ng mahikang nilikha ni J.K. Rowling, ipinalabas na sa Pilipinas ang pelikulang Harry Potter and the Order of the Phoenix, na base sa ikalimang aklat.

Si Harry Potter ay isang batang anak ng mga nilalang mula sa mundo ng salamangka. Ang kanyang mga magulang ay pinatay ng isang black wizard-si Lord Voldemort, na ang pangalan pa lamang sapat na upang manginig sa takot ang marami sa mga kauri ni Harry Potter. Pero si Harry ay iniligtas ng kapangyarihan ng pagmamahal ng kanyang ina. Nabuhay siya at isang pilat sa noo lamang ang naging palatandaan ng mapait na karanasang iyon.

Nagpapalipat-lipat sa ating mundo at sa mundo ng mahika. Nakikitira siya sa bahay ng tiya niyang ordinaryong tao sa Britanya kapag bakasyon niya mula sa pag-aaral sa Hogwarts, ang paaralan ng mga batang salamangkero.

Isa sa mga gusto kong aklat sa seryeng ito ang Harry Potter and the Order of the Phoenix. Isinalaysay nito ang isa sa pinakamadramang bahagi ng buhay ni Harry. Dito’y nagawa niyang makita ang bahagi ng nakaraan ng kanyang mga magulang. Muli rin niyang naranasan ang sakit nang mawalan ng mahal sa buhay.

Ito na rin ang pagsisimula ng direktang pagbabanggaan ng mga kampon ng kadiliman at ng mga nasa panig ng kabutihan sa daigdig ng mahika. Muling nagkaharap nang personal sina Harry at ang mortal niyang kaaway na si Voldemort.

Dito rin lalong naipamalas ni Harry ang kanyang pagiging lider. Habang ang mga nakatatanda ay tumitindi ang paghahanda para sa inaasang pagtutuos ng liwanag at dilim, hinarap naman nina Harry, Ron, at Hermione ang hamon na pangunahan ang isang grupo ng mga mag-aaral sa Hogwarts. Layunin nilang tumulong na ipagtanggol ang kabutihang kinakatawan ni Prof. Albus Dumbledore, na tinanggal bilang pinuno ng Hogwarts. Naging tagapagturo si Harry ng kanyang mga kaklase at matapang nilang sinuway ang mga utos ng malupit na babaeng pumalit na pinuno ng paaralan.

Gaya nang dati, nakakaaliw pa ring panoorin ang pelikula. Kahit maaksiyon, may mga nakakatawang eksena pa rin. Pati ang ilang mga eksena nila kasama ang isang higante, naging comedy.

Astig pa rin ang mga special effects. Natuwa ako sa eksena nila sa loob ng isang silid sa Ministry of Magic. Doon ay maraming mga bolang kristal na naglalaman ng napakaraming propesiya, kabilang ang hula tungkol sa kapalaran nina Harry at Voldemort. Naaliw ako sa pagguho ng napakaraming kristal. Di nga ako sigurado kung totoong mga bubo gang mga iyon, o computer-generated effects na lang.

‘Yun nga lang, hindi kayang ilagay sa mahigit dalawang oras lang ang buong kuwento. Ang sakit na naramdaman ni Harry, halimbawa, nang mawala ang isang taong malapit sa kanya, ay hindi masyadong nailarawan nang gaya ng sa aklat.

Pero sa kabuuan, gugustuhin ko pa ring uliting panoorin ang pelikula. At dahil narito na nga ang ikapitong aklat, ang Harry Potter and the Deathly Hallows, ito naman ang pagkakaabalahan ko ngayon.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center