Maaliwalas ang pagpasok ng 2020 para sa maraming mga Pilipino. Mahigit siyam sa 10 Pinoy ang nagsabing haharapin nila ang bagong taon nang may pag-asa. Hindi ito katakataka. Sa katunayan, marami sa atin ang naging abala sa pagsasayaw sa saliw ng kantang “Tala” ni Sarah Geronimo.
Ang mga ordinaryong tao, mga artista, at maging si Jollibee, tinamaan ng “Tala” fever. Maya’t maya, may mapapanood kang sumasayaw ng “Tala” sa social media at sa telebisyon. Unang napakinggan ang “Tala” noong 2015. Pero nitong nakalipas na taon, muli itong namayagpag.
Sa social media, nagkaroon pa ng diskusyon kung bakit muling magningning ang “Tala.” Para sa mga tagahanga ni Sarah, ito ay dahil sa videos ng live performances ng kanilang idol, na nakasama pa sa docu na “Sarah Geronimo: This 15 Me” ng Netflix.
Para sa iba, ito ay dahil sa “Linamnam Ulam” commercial ni Anne Curtis para sa Jollibee. Base sa “Tala” ang jingle ng patalastas.
May mga nagsasabi naman na muling sumikat at “Tala” dahil sa viral videos ng mga kabataang LGBT na sumayaw sa saliw nito bilang protesta sa di pagpayag ng isang Aling Nelia na maglaro sila ng volleyball sa tapat ng bahay ng ale. Ang kuwentong ito, naitampok pa sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Si Sarah, pinasalamatan naman ang impersonator niyang si Bench Hipolito, na ang videos habang sumasayaw ng tala ay naging patok na patok. Nagpasalamat din siya sa LGBT community na gumawa ng dance covers.
Ang mga Pilipino, sadyang makukulit. May isang Facebook post na nagsabing ‘wag na raw sumayaw ng “Tala” dahil binubuksan ng mga galaw nito ang pintuan ng impiyerno. Kahit kakatwa at katawa-tawa, mahigit 24,000 beses itong nai-share.
Ngunit bago mangalahati ang buwan, ibang pintuan ng impiyerno ang nabuksan sa pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas. Nakarating ang abo nito hanggang Kamaynilaan, at kinailangang ilikas ang mga nakatira malapit sa bulkan.
Ganito ang reaksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa trahedyang dumating sa bansa: “Kainin ko pa ‘yang ashfall na ‘yan. Pati Taal, ihian ko pa ‘yan, bwisit na ‘yan.”
Si Senate President Tito Sotto, nagmungkahi ng cloud seeding na parang bang nananawagan ng lahar. Ang mga kongresista, gusto namang paimbestigahan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology, na masigasig namang gumagawa ng trabaho nito.
Si Overseas Workers Welfare Administration Deputy Executive Director Mocha Uson, ang babaeng bukod na pinagpala sa ilalim ng rehimeng Duterte, nagpakalat na naman ng fake news. Limang pirasong pandesal at isang boteng tubig lang daw ang ipinamahagi ni Vice President Leni Robredo sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan. Ayon kay VP Robredo, ang ipinamahagi nilang food packs ay naglalaman ng bigas, instant noodles, at canned goods. Namigay rin sila ng dust mask at inuming tubig.
Ang mga kompanya namang patuloy na binabanatan ng pangulo, nanguna sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta. Kabilang sa mga nakipagbayanihan ang Tulong Kapatid ni Manny Pangilinan, ang Ayala Foundation, at ang ABS-CBN Foundation.
Pinasalamatan naman ng mga netizen at tinawag na mga bagong bayani sina Rio John Abel, Darwin Lajara, at Maximino Alcantara III, mga estudyante ng De La Salle University na naaksidente at namatay matapos maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Nakaalerto pa rin ang mga awtoridad sa posibleng mapanganib at malakas ng pagsabog — na harinawa’y di na dumating.
Mula sa masayang “Tala” hanggang sa galit na Taal — at nagsisimula pa lang ang taon.
Nalathala rin sa Pinoy Gazette