Gusto ko ng isa pang totoong People Power president.

Maluluklok siya hindi dahil sa pag-iimbot sa kapangyarihan at panlilinlang sa masang tumatayo para sa katotohanan at katarungan. Uupo siya nang walang mga kakuntsabang nangungumisyon o tutulong na makalamang siya nang mahigit isang milyon.

Iluluklok siya ng lakas ng bayan sa pamamagitan ng bayanihan. Kusang-loob siyang susuportahan ng mga mamamayan di dahil sa makukuhang pansariling pakinabang, kundi dahil sa paniniwala sa kanyang kabutihang loob at katapatan. Iboboto siya dahil naghahatid siya ng pag-asang muling sisikat ang araw, ang bansa’y babangon, at ang bagong Pilipinas ay ating masisilayan. Magiging inspirasyon siyang magbabalik ng tiwala nating mga Pilipino sa ating sarili.

Mabuti sana kung siya’y maka-Diyos, makabayan, makatao, at makakalikasan. Perpekto rin kung siya’y maalam sa kasaysayan at magsusulong ng katarungan.

Ngunit dahil tayo’y nasa di-perpektong mundo, pasado na sa akin kahit may konting bahid, kahit may konting duda, basta kapani-paniwala ang katapatan.

Ang susunod na anim na taon ay panahon ng muling pagbubuo, kaya’t napakahalagang may tiwala tayo sa susunod na pangulo. Paano makakasulong kung ang pinuno’y may karanasan, pero laging ang bayan ay nanganganib na isahan?

Hindi ako maghahangad ng pangulong ang ipinagmamalaki ay talino at galing kung sa kampong tiwali siya nanggaling.

Ayoko rin ng pangulong pera ang pinaiikot, kumukupkop sa mga kaanak ng kurakot, at sa pananagutan ay tila natatakot.

Di lang sa nagkukunwaring mahirap ako umiilag. Iwas-pusoy rin ako sa mga nagkukunwaring para sa mahirap, pero sa totoo’y nagdadala naman ng sobrang pahirap.

Ang tipo kong pangulo ay iyong tinawag ng bayan at kung mananatiling tapat ay di nito iiwan.

Dapat siyang magpunyaging maisakatuparan ang mga pangako ng People Power: kalayaan, kapayapaan, tunay na demokrasya, tunay na reporma sa lupa, paglaban sa kahirapan, mabuting pamamahala, bagong pulitika, at lideratong magiging mabuting halimbawa.

Kung dahil sa malinis na gobyerno ay kokonti ang corrupt, mababawasan din ang mahihirap. Kung iwawaksi ng bagong pangulo ang mga trapo at itatakwil ang mga oportunista’t balimbing, mangingibabaw ang bagong pulitika. Kung siya’y magsisilbing magandang halimbawa at inspirasyon ng pagiging mabuting Pilipino at pinuno, baka sakaling unahin ng mga tao ang kapwa, makilala ang disiplina, at muling sumilang ang pagmamahal sa bayan.

(Nalathala rin sa Tinig.com at Pinoy Gazette. Ang larawan ay mula sa Flickr account ni Noynoy Aquino.)