Nahihirapan akong manood nang mahinahon ng mga balita tungkol sa mga paglubog ng mga sasakyang dagat at mga aksidenteng marami ang namamatay. Nababagbag ang damdamin ko kapag iniuulat na ang paghahanap sa mga nawawala at ang paghahanay sa mga natagpuang bangkay. Nakakawindang kapag naririnig ko ang mga hikbi at hagulhol ng mga naulila.
Labindalawang taon na ang nakalilipas, noong Mayo 16, 1995, naging biktima rin ang aking ina sa aksidenteng pagkasunog at paglubog ng M/V Viva Antipolo VII sa dagat sa pagitan ng Marinduque at Lucena. Nang matagpuan ang aking ina, wala na siyang buhay. Base sa estadistika ng Board of Marine Inquiry, maliban sa amin ay may humigit-kumulang 70 pamilya pang nagdalamhati sa tila isinumpang araw na iyon.
Sa tuwing may aksidente sa dagat, laging nababanggit na ang posibleng dahilan ay overloading. Nakapagtatakang pinapayagan ng Philippine Coast Guard na bumiyahe ang mga sasakyang dagat na sobra sa capacity ang laman.
Nitong Hulyo 12 lamang, di bababa sa 11 naman ang namatay matapos sumadsad, tumagilid, at lumubog sa mababaw na bahagi ng dagat sa may San Narciso, Quezon ang M/V Blue Water Princess na bumabiyahe patungong Masbate. Hindi man overloaded, nakapagtataka pa ring nakabiyahe ang roro gayong masama ang panahon. Kulang kaya ang life jacket, gayong ayon sa otoridad ay higit na mababa kaysa sa kapasidad ang pasahero ng M/V Blue Water Princess? O nagkanya-kanyang talunan sa dagat na lamang ang mga tao dahil sa takot?
Ano man ang tunay na dahilan, nakakalungkot na sa kabila ng maraming mga aksidenteng ito, tila di na tayo natuto.
Sa tuwing sumasakay ako sa barko pauwi sa Marinduque, sinisiguro ko muna kung saan naroon ang life jackets. Pero napansin kong sa mga barkong sinasakyan ko, walang demonstration kung paano ito gamitin. Di kagaya sa eroplano, na kapag magsisimula na ang biyahe ay may demo ng mga safety precaution.
Bukod pa rito, ang pagbibiyahe pauwi sa Marinduque, lalo na sa mga panahong gaya ng Semana Santa, ay tila isang kalbaryo. Dahil walang reservation system sa mga barko, kailangang pumila at maghintay nang napakatagal bago makakuha ng tiket. At kapag may tiket na, magbibilad ka sa init ng araw habang naghihintay sa padaong na barkong sasakyan. Unahan kasi sa pagsakay.
At dahil nga sa walang reservation system, una-unahan sa pagsakay at kadalasa’y siksikan sa bapor. Noong minsang pabalik kami ng girlfriend ko sa Maynila galing Marinduque, kahit nagbayad kami ng presyong pang-aircon ay pinaupo kami sa likuran ng barko, sa tapat ng makinang napakainit. Nang umalis kami sa bahaging iyon, dahil wala nang espasyo ay sa sahig na lang ako nakaupo. Sa kabila ng ganoong kalagayan–siguradong overloaded ang barko–nakabiyahe pa rin ito. Buti na lamang at walang masamang nangyari sa aming biyahe.
Ang nakapagtataka, halos kalahati ng populasyon ng Pilipinas ngayon ay may cellphone na. Bakit kaya hindi hikayatin–o kung kailangan ay pilitin–ng lokal na pamahalaan ng Marinduque at Quezon ang mga kumpanya ng mga bapor na ito na magpatupad ng reservation system gamit ang texting o maikling tawag? Kung ganoon ang gagawin, hindi na magsisiksikan at mag-uunahan ang mga tao. Dahil alam na ng mga pasahero ang oras ng pag-alis nila, wala nang mahabang hintayan.
Kung magiging istrikto at maghahanap lamang ang mga kinauukulan ng mga paraan upang maging mas maginhawa at ligtas ang pagbibiyahe sa dagat, lalo na ng mga pasahero mula sa mahihirap na lalawigang gaya ng Marinduque at Masbate, siguro’y mas maiiwasan ang mga trahedyang gaya ng MV Viva Antipolo VII at M/V Blue Water Princess.
totoo po lahat yan.ang saklap naman po pala ng nangyari sa mommy nyo.yun lang po.
it’s 12 years late but…i’m sorry to hear about what happened sa mom mo.
Magugukat ka rin sa asal ng mga tripolante. Si Ellen Tordesillas ay minsang sumakay ng ro-ro pauwi ng probinsiya. Parang kinukutya pa silang mga pasahero. Nag-palabas ng Titanic na pelikula habang medyo masama ang alon. Ang masama pa nito, nang mag-reklamo ang mga tao, pinagtawanan pa sila.
Sabi ko, sana inihulog na lang nila ang mga bastos na tripolante para naman maramdaman ng mga ito kung paano matakot.