Masigabong palakpakan ang isinalubong ng mga alipores ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang mga sinabi sa State of the Nation Address (SONA) sa House of Representatives noong Hulyo 28, 2008. Ganado naman si Arroyo, na sadyang tumitigil sa pagsasalita pagkatapos ng halos bawat talata upang bigyang-daan ang palakpakan ng kanyang mga kaibigang mambabatas.

At kahit kadalasa’y duda sa mga pinagsasasabi ni Arroyo, siguradong ang bawat text addict na gaya ko ay nagising sa bahaging ito ng kanyang SONA: “Texting is a way of life. I asked the telecoms to cut the cost of messages between networks. They responded. It is now down to 50 centavos.”

Asteeg, di ba? Ang isang text na dati’y piso, 50 sentimo na lang! Kapag ganitong lahat ay nagtitipid, okay ito. Pero ang totoo, nagoyo lang tayo. Nang araw ring iyon, nalaman ng publiko na promo lang pala ng Smart, Globe, at Sun Cellular ang bagong rates. Kailangan pang mag-register na parang sa unlimited text. Bukod pa riyan, tatlong buwan lang tatagal ang promo.

Hirit tuloy ng TXTPower, na kinabibilangan ko: “… President Arroyo and her administration should be held accountable for willfully and knowingly deceiving the public.” Nang nagkabistuhan na, sinabi ni Sec. Cerge Remonde, head ng Presidential Management Staff, na di raw pala alam ni Arroyo na promo lang ang price cut na inianunsiyo niya. Palusot man iyan o hindi, mananatili ang pakiramdam ng mga texter na naloko tayo ng Pangulo.

Sabagay, di na bago ang ganyan. Ilang ulit na tayong harapan at diretsahang inisahan ng presidente natin. May naaalala akong dalawang malakihang pambibilog ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ating ulo: noong Disyembre 30, 2002 — Rizal Day — nang puno ng dramang sabihin niyang di na siya tatakbong pangulo sa halalang 2004, at noong pagkatapos marinig ang kanyang boses sa Hello Garci tapes.

Gamit ang pangalan ni Dr. Rizal, humirit siya nang ganito noong 2002: “As we honor Jose Rizal today, it is fitting that I ask each Filipino to make also sacrifice for our country. Our country needs our help.” At pagkatapos ay inilarawan ay ayon sa kanya’y kasalukuyang kalagayan ng bansa, saka niya inianunsiyong: “In view of all these factors, I have decided not to run for President during the election of 2004.” Paliwanag pa niya, kung tatakbo pa rin daw siya, ang mga magiging aksyon niya’y magdudulot lamang ng walang katapusang pagkakahati-hati. Dahil sa sinabi niyang iyon, ginawa pa siyang Person of the Year ng Philippine Daily Inquirer.

Pero alam na natin ang nangyari. Tumakbo siya, at nang-Garci at nan-Joc-joc pa nga! Ang narinig nating sinasabi ng babaeng pinaniniwalaang si Arroyo sa lalaking sinasabing si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano sa Hello Garci tapes: “So will I still lead by more than one M, overall?”

Sa isang pang usapan nila, ganito naman ang sabi ni Garci: “Hindi nagmamatch? May posibilidad na hindi mag-match kung hindi nila sinunod ‘yung individual SOV ng mga munisipyo. Pero aywan ko lang ho kung sa atin pabor o hindi. Kasi doon naman sa Basilan at Lanao Sur, itong ginawa nilang pagpataas sa inyo, hindi naman ho kwan, maayos naman ang paggawa eh.”

Nang humingi si Arroyo ng sorry sa bayan dahil sa eskandalong iyan, sabi niya’y pinoprotektahan lamang daw niya ang kanyang boto!

(Pinoy Gazette)