Isang araw bago ang nakatakdang pirmahan sa Malaysia ng isang kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front, kumilos ang Kataastaasang Hukuman upang ipahinto ito.
Ang kasunduan, na ang buong pamagat ay “Memorandum of Agreement on the Ancestral Domain Aspect of the GRP-MILF Tripoli Agreement on Peace of 2001” ay kumikilala sa karapatan ng mga Bangsamoro na magkaroon ng sariling teritoryo at sariling pamahalaan. Palalawakin nito ang nasasakupan ng kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao upang buuin ang Bangsamoro Juridical Entity (BJE).
Kapag binabanggit ang salitang Moro, ang karaniwang kahulugang alam natin ay mga Pilipinong Muslim sa Mindanao. Ngunit kapag tinanong ang mga Moro, marami sa kanila ang nagsasabing hindi sila Pilipino. Bagamat nananahan sa teritoryong kinikilala ng daigdig bilang bahagi ng Republika ng Pilipinas, para sa kanila’y hindi sila bahagi ng lahing Pilipino. Ang bansa ng mga Moro, bagamat malayang umiiral na sa kanilang mga puso, ay kasalukuyang nakakulong sa teritoryo ng Pilipinas at isisilang pa lamang sa pandaigdigang mapa bilang bunga ng kanilang patuloy na pakikibaka. (Ang salitang Bangsamoro ay tumutukoy sa bayang ito at sa mga mamamayan nito.)
Di nga kasi, bagamat ang halos buong Pilipinas ay napasailalim sa mga mananakop, ang mga mamamayang Bangsamoro ay nanatiling may sariling pamamahala. Mahigpit nilang tinutulan ang pagkakasali ng kanilang lupain noong pormal nang binubuo ang bansang Pilipinas, ngunit hindi pinakinggan ng mga maykapangyarihan sa Maynila at sa Washington DC ang kanilang pagtutol.
Kaya naman sa MOA sa pagitan ng MILF at Pilipinas, kinikilala ang mga Bangsamoro bilang mga orihinal na mamamayan ng Mindanao at mga kalapit nitong pulo noong panahon ng pananakop, kabilang ang kanilang mga kaanak-anakan, gayundin ang mga Lumad. Kinikilala ng kasunduan ang kanilang karapatan sa lupain ng Mindanao, at ang kanilang karapatang pamahalaan ang sarili.
Sa kasalukuyang sitwasyon, kaganapan ng inaasam nilang sariling pamamahala ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na bunga naman ng naunang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro National Liberation Front. Sa pagpapalawak ng teritoryo ng ARMM upang mabuo ang BJE, wari’y lumalapit ang pagsasarili ng Bangsamoro.
Ngunit may mga lider at mamamayan ng mga lugar na binanggit sa MOA na maaaring maisama sa BJE na tutol sa kasunduan. Ayaw nilang maging bahagi ng BJE ang kanilang lugar. At upang marinig din naman ang kanilang panig, ipinahinto muna ng Korte Suprema ang pirmahan ng kasunduan.
Samantala, tila binuo ng mga sumulat ng kasunduan ang plano ng BJE nang hindi isinasaalang-alang ang Saligang Batas ng Pilipinas. Sa Konstitusyon kasi natin, ang binabanggit lamang ay ang pagbubuo ng autonomous region sa Mindanao (at Cordillera), ngunit ang BJE ay may mas malawak na kapangyarihan na maaaring higit sa ipinagkakaloob ng kasalukuyang Konstitusyon.
Kaya naman muli nating naririnig ang panawagan ng mga opisyal ng pamahalaan para sa pagbabago ng Saligang Batas. Biglang nagpahayag ng suporta ang Malacanang sa isang resolusyon sa Senado na nagsusulong ng charter change upang ang Pilipinas ay gawing isang Federal Republic gaya ng Estados Unidos. Sa ilalim ng isang bagong saligang batas at pederalismong anyo ng pamahalaan, hindi magiging mahirap ang pagsasakatuparan sa BJE.
Ngunit dahil sa track record ng administrasyong nagsusulong sa charter change upang bigyang daan ang BJE, mahirap magtiwalang ang pakikiayon dito ay talagang magbibigay ng higit na awtonomiya — at maaaring sa hinahanap, ganap na kalayaan — para sa Bangsamoro.
(Pinoy Gazette)