Balita ng pagpanaw ng basketball superstar na si Kobe Bryant ng LA Lakers ang bumungad sa ating paggising noong Enero 27.
Kabilang ang 41-anyos na retired NBA player at ang kanyang anak na si Gianna, 13, sa siyam na namatay matapos mag-crash ang helicopter na kanilang sinasakyan papunta sa isang basketball game sa Calabasas, California sa araw na ‘yon, Enero 26 sa U.S.
Para sa isang bansang humaling na humaling sa basketball, isang malaking dagok ang pagkawala ng isa sa mga Greatest of All Time ng NBA. Kanya-kanyang pagpapahayag ng dalamhati sa social media ang mga Pilipino. Pati ang tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas, naglabas ng pahayag — na pinuna ng mga netizen dahil sa grammatical errors.
Binatikos din sa social media ang exhibit ng memorabilia ni Bryant na binuksan ni Speaker Alan Peter Cayetano sa House of Representatives. Sa tingin ng ilan, pagpapakita ito na ‘di maayos ang prayoridad ng gobyerno. Inilunsad kasi ang exhibit ni Cayetano habang marami pang mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal ang nangangailangan ng tulong. Kasabay ng pagluluksa sa pagpanaw ni Bryant, nangangamba noon ang mga Pilipino na makapasok sa bansa ang epidemya ng novel coronavirus mula sa China.
Ang tinatawag na 2019-nCoV ay kapamilya ng Middle East Respiratory Syndrome (MERS) at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS). Maaaring magdulot ang nCoV ng pagkakasakit ng mga tao — mula sa simpleng sipon, ubo, at lagnat hanggang sa mas malalang pneumonia. Sinasabing sa isang tindahan ng mga buhay na hayop sa Wuhan, China unang lumipat sa tao ang nCoV.
Noong binuksan ni Cayetano ang kanyang Kobe Bryant exhibit, mahigit 6,000 kaso na ng nCoV ang naitala sa ‘di bababa sa 15 bansa at 132 na ang namatay dahil dito. China pa lang noon ang bansa kung saan may namatay. Ang mga Pilipino, umasang palalawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nauna nang ipinatupad na ban sa pagpasok ng direct flights mula sa Wuhan para ‘di na tayo mahawa ng kumakalat na virus.
Pero si Duterte, na kilala sa pagiging mabait sa China, ‘di pa kumbinsido noon sa total ban ng flights mula sa buong China. Sabi niya noong Enero 29: “Mahirap ‘yang sabihin mo you suspend everything because they are not also suspending theirs and they continue to respect the freedom, flights that we enjoy in their country.” Kinabukasan, inanunsiyo ng Department of Health ang unang kumpirmadong kaso ng nCoV sa Pilipinas.
Isang araw matapos ang announcement ng DOH, sinuportahan ni Vice President Leni Robredo ang mga panawagan para sa total ban sa mga biyahe galing China. “Wala na tayong panahon para sa mahabang usapan. Buhay ng tao ang nakasalalay kaya agarang aksyon, tamang impormasyon at mabilisang desisyon ang kailangan,” aniya.
Sumabog naman sa internet ang galit ng mga Pilipino dahil sa kawalan ng aksyon ni Duterte. Naging top trending topic sa Twitter ang #OustDuterte. Ang nangibabaw na saloobin: mas inuuna pa ng Pangulo ang pakikipagkaibigan sa China kaysa sa kapakanan ng kaniyang mga nasasakupan.
Pebrero 2 na nang ipagbawal ni Duterte ang pagpasok sa bansa ng mga biyahero mula sa China, Hong Kong, at Macau. Ang maaari lang pumasok sa bansa mula sa mga lugar na ito, mga Pilipino at mga dayuhang may permanent resident visa.
Ang nagmamatigas na kaibigan ng China, bumigay din.
Tunay ngang sa panahon ng krisis nasusukat ang malasakit ng mga pinuno. ‘Wag sana nilang malimutang ang pagmamahal at bulag na pagsunod, gaya ng buhay ng tao, ay may hangganan din.