Minsang magsulat ako tungkol sa isang sentimental na bakasyon, ganito ko ito winakasan: “Bakit hindi maaaring bitbitin ang magagandang tao at bagay sa buhay ko ngayon, at isama sila pabalik sa nakalipas na ipinaaalala ng lahat ng ito?” Sino ba ang ayaw makabalik sa nakalipas? May mga naganap sa ating buhay na nais nating balikan at muling maranasan. Mayroon din namang kung maaari ay nais nating baguhin.

Isang television drama mula sa Japan, ang “Proposal Daisakusen,” ang kamakailan ay pinanood namin ng kasintahan ko. Nakakaadik kaya’t pinagpuyatan namin ang kuwentong ito tungkol kay Iwase Ken (Yamashita Tomohisa), isang lalaking ilang ulit na bumalik sa panahon upang makamit ang pag-ibig ni Yoshida Rei (Nagasawa Masami), ang matalik na kaibigang lihim niyang itinatangi.

Sa araw ng kasal ni Rei, habang ipinapalabas ang slideshow ng mga larawan ay naging masidhi ang pagnanais ni Ken na balikan ang mga eksenang naaalala niya. Sa tulong ng isang fairy ay nagawa niya ito. Sa kanyang binalikang panahon ay sinikap niyang baguhin ang kasalukuyan upang di matuloy ang kasalan. Ilang ulit siyang nabigyan ng pagkakataong gawin ito. At kung nagtagumpay man siya o hindi, panoorin na lang ninyo.

Ngunit sa totoong buhay, hindi ito maaaring mangyari. Walang mga fairy — kung meron man, hindi sila nagpaparamdam, o kaya’y mga ibang klaseng fairy sila. Wala pa ring naiimbentong time machine, at sa palabas lang na Shaider gumagana ang time-space warp.

Ngunit noong ika-30 ng Agosto sa Pilipinas, libu-libong tagahanga ng bandang Eraserheads ang nagkaroon ng pagkakataong makabalik — di man literal — sa nakaraan. Ang Eraserheads, na binubuo ng mga taga-UP na sina Ely Buendia, Marcus Adoro, Buddy Zabala and Raimund Marasigan ay ang pinakasikat na bandang Pinoy noong dekada 90. Ang kanilang mga kanta ay naging soundtrack ng ilang bahagi ng buhay ng maraming Pilipino — kabilang na ako. Naghiwa-hiwalay sila ilang taon na ang nakalilipas, at mula noo’y naging hilling na ng mga tagahanga ang muli nilang pagsasama-sama. Sa gitna ng bakbakan sa Mindanao, at pagkatapos ng kontrobersiya tungkol isang kumpanya ng sigarilyo na unang nag-organize ng concert, at kahit pumanaw ang ina ni Ely, natuloy pa rin ang Eraserheads reunion concert.

Sa gabing iyon, mahigit 20,000 ang dumalo sa concert na ginawa sa Fort Bonifacio Global City open field sa Taguig. Nang sa wakas ay lumitaw ang apat na miyembro ng Eraserheads na muling magkakasama sa isang entablado at nagsimulang tumugtog ng “Alapaap,” ang kanilang musika’y sumundo sa napakalakas na agos ng mga alaala ng mga naroroon. Sa isang iglap, bumalik sila sa 1990s, sa panahon ng college life o maagang kabataan ng mga naroon, noong buo at magkakasama pa ang Eraserheads at ang kanilang mga kanta ang nangingibabaw sa himpapawid. Pansamantalang humalo ang nakaraan sa kasalukuyan.

Ngunit naputol ang nostalgia nang matapos ang concert pagkatapos ng labinlimang kanta. Isinugod si Ely sa ospital matapos mag-collapse dahil sa sobrang pagod.

Sadya nga yatang imposibleng balikan ang nakaraan. At kung makabalik man tayo nang sansaglit, agad din tayong hihigupin ng kasalukuyan.

(Pinoy Gazette)