Sa gitna ng pangamba kaugnay ng coronavirus disease 2019 o COVID19, ang bagong tawag sa 2019-nCoV, pansamantalang nawala sa mga pinakamaiinit na balita ang usapin sa pagpapanibago ng prangkisa ng ABS-CBN.
Habang ‘di pa naipapasa ng Kongreso ang franchise ng ABS-CBN, bibigyan muna ng National Telecommunications Commission (NTC) ng provisional authority ang ABS-CBN para makapagpatuloy ang operasyon nito hanggang sa Hunyo 2022. Sa kabila niyan, wala pa rin kasiguruhan dahil may mga legal na katanungan pa sa bisa ng provisional authority.
Nagkakaproblema sa renewal ng ABS-CBN franchise dahil pinag-iinitan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte. Mula nang siya’y maupo, maraming beses na niyang binatikos ang ABS-CBN.
Noong Marso 30, 2017, tinawag ni Duterte na “mukhang pera” ang mga may-ari ng ABS-CBN at Philippine Daily Inquirer at sinabing balang araw, darating ang karma nila. Abril 27 naman nang akusahan niya ng swindling ang ABS-CBN dahil sa ‘di raw nito pagpapalabas ng kanyang political advertisement noong 2016 presidential elections. Sinabihan din niya na ‘di na kailangang i-renew ng Kongreso ang franchise ng ABS-CBN. Noong Mayo 17 naman, nagbanta naman siyang sasampahan ng kasong multiple estafa ang TV network.
Agosto 3, 2018 naman nang sabihin ni Duterte na kung siya ang masusunod, ‘di niya bibigyan ng prangkisa ang ABS-CBN. Pagdating ng Disyembre 3, 2019, mas diretsahan na ang banat niya: “Ang iyong franchise mag-end next year. If you expect ma-renew ‘yan, I’m sorry. I will see to it that you’re out.”
Ang Kongreso ang may kapangyarihang magbigay ng franchise, at karamihan sa mga mambabatas sa dalawang kapulungan ay mga kaalyado ng pangulo.
Ang payo naman ni Duterte sa mga may-ari ng ABS-CBN noong Disyembre 30, ibenta na lang ang kompanya. Ilang linggo bago ang pahayag niyang ‘yan, napabalitang mag-i-expand na sa media at entertainment business ang crony niyang si Dennis Uy.
Pagsapit ng Pebrero ngayong taon, nag-file ng quo warranto petition sa Kataastaasang Hukuman si Solicitor General Jose Calida laban sa ABS-CBN. Quo warranto rin ang ginamit noon ni Calida para maipatanggal si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kasabay naman ng panawagan ng mga taga-ABS-CBN at mga kasamahan nila sa media na ipasa na ng Kongreso ang mga panukalang batas para sa renewal ng ABS-CBN franchise, nagpakalat ang mga tagasuporta ni Duterte ng mga akusasyon laban sa broadcasting company. Ayon sa mga Duterte diehard supporters (DDS), ‘di raw nagbabayad ng buwis ang ABS-CBN, o may violation dahil sa paggamit ng Philippine Depository Receipts, o lumabag sa labor laws.
Pero mismong ang Bureau of Internal Revenue, Securities and Exchange Commission, at ang Department of Labor Employment na ang nagsabing walang pagkukulang o nilabag na batas ang ABS-CBN. Sa sinasabi naman ng mga DDS na violation ng ABS-CBN sa alintuntunin ng NTC dahil sa kanilang pay-per-view channel, sinabi ng NTC na kung totoong may paglabag, multa lamang at ‘di pagbawi ng prangkisa ang parusa.
Sabi naman ng ABS-CBN, ‘di nila naiere ang isang patalastas ni Duterte dahil late na itong naipadala sa kanila. ‘Di na rin daw tinanggap ni Duterte ang perang sinubukan nilang isauli.
Sa huli, isang senador na malapit sa Pangulo na rin ang umamin na nanganganib ang prangkisa ng ABS-CBN dahil nasaktan nito ang damdamin ni Duterte.
Hindi ito dapat nangyayari. Ang kapangyarihan ng mga opisyal ng pamahalaan, ‘di dapat ginagamit para sa pansariling alwan.
Sa puntong ito sa kasaysayan ng Pinoy Gazette, nais kong muling magpasalamat sa patnugutan ng diyaryong ito at sa inyo, mga kababayan sa Japan, sa inyong pagtangkilik sa amin. Makakatalastasan n’yo pa rin ako bilang @ederic sa Twitter, Facebook, at Instagram, at mababasa n’yo pa rin ang aking mga kwento’t kurokuro sa www.ederic.net. Arigato! Doumo arigatou gozaimasu!
First published in Pinoy Gazette. Photo from the National Union of Journalists of the Philippines Facebook page.