Kakatapos ko lang mag-empake ng mga damit at iba pang gamit sa aking maleta habang isinusulat ko ang kolum na ito. Matapos ang halos dalawang buwan dito sa Singapore para mag-training sa bago kong trabaho, uuwi na rin ako sa Pilipinas sa weekend.

Tamang-tama, ilang araw na lamang at Pasko na. Nagsimula na nga ang Simbang Gabi. Hindi ako nakadalo rito. Sabagay, kahit naman sa Pilipinas, hindi ako nakakapag-Simbang Gabi. Umaga na kasi ako natutulog kadalasan.

Kanina, nag-post ako sa Plurk.com account ko ng ganito: “Nakaka-stress na nga yung thought ng pagbyahe, daragdagan pa ng Christmas songs.”

Ako kasi yung tipong uuwi lang ng probinsya, nai-stress na. Isipin mo kung ganitong overseas na byahe pa. Buti nga, malapit lang ito–ilang oras lang at wala nang lipat-lipat pa. Paano na kaya kung sa kabilang dulo ng mundo ako bibiyahe? Siguro, ayoko lang yung ideya na mag-iimpake at maghihila ng maraming bagahe. Okay lang siguro kung tipong sasakay lang ako ng eroplano at ang bitbit lang ay isang bag na laman ang laptop at celfon ko, saka kahit isang libro. Pero kapag may bagaheng malaki, ibang usapan na yan.

Pero kung tutuusin, pagkatapos naman ng biyahe, nababalewala ang lahat ng pag-aalala ko bago ang paglipad. Gaya noong papunta akong Singapore. Oo’t sobrang okupado ang isipan ko sa gagawin kong pagbiyahe, lalo na’t medyo matagal kaming magkakahiwalay ng mga mahal ko sa buhay sa Pilipinas, pero pagdating naman dito ay na-relax ako. Nakapasyal kahit paano, nakasubok ng iba’t ibang pagkain, at nagbago ang work environment.

Pero pagdating din naman dito, malaking sakripisyo dahil nami-miss ko sila. Naiintindihan ko na rin kung bakit sabik na sabik makauwi ang mga OFW. Dati kasi, feeling ko yung iba medyo OA kasi may nag-iiyakan pa kapag nag-uusap telepono at ipinapalabas sa TV. Pero ganoon nga pala talaga yung pakiramdam. Naalala ko tuloy ang mga kaibigan ko sa Yahoo! Messenger. Hindi iilan lang sa kanila ang may countdown sa status nila ng kung ilang araw pa bago sila umuwi. Mga tipong “3 days to go…” Yung iba naman, nagpo-post sa Plurk ng “Isang tulog na lang…” tapos magre-reply ako ng pabirong “…Jollibee na naman…”)

Sa kaso ko, sa gitna ng pagkabagabag dulot ng pagbiyahe, nadaragdagan pa ng halo-halong emosyong hatid ng mga awiting Pamasko. (Siguro, lahat naman tayo, affected ng Christmas songs, lalo na iyong mga nasa ibang bansa na hindi makakauwi sa Pilipinas.) Yung bang tipong iniisip ko yung mga dapat mong ayusin, mga di pa nabibili, mga di pa tapos gawin, and at the same time, excited na ako dahil pauwi na at makakita at makakasama ko na sila, then biglang tutugtog ang “I’ll Be Home For Christmas” o kung anuman. Basta kakaiba yung feeling. Mahirap i-explain, actually. O baka naman nag-iinarte lang ako.

Anu’t anuman, sana’y makauwi rin kayo sa atin. Maligayang Pasko at masaganang bagong taon!

(Pinoy Gazette)