Manny Pacquiao, Manny Villar, at Loren Legarda
Si Senador Manny Villar kasama sina Manny Pacquiao at Senador Loren Legarda.
Kapag tinanong ninyo ang mga kamag-anak ninyo rito sa Pilipinas kung nakaligo na ba sila sa bundok ng basura o nag-Pasko na ba sila sa gitna ng kalsada, malamang ay sasagot sila ng “‘Yan ang tanong namin: Tunay ka bang isa sa amin?” Kung hindi nila alam ang mga linyang ‘yan, ang payo ko’y padalhan n’yo sila ng bagong radyo o telebisyon.

Galing ‘yan sa campaign jingle ni Senador Manny Villar, kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas sa halalan ngayong Mayo. Sa mga nakalipas na buwan, maya’t maya’y naririnig sa radyo at napapanood sa TV ang political ad niyang iyan na nagtatampok sa mga batang kumakanta.

Maging sa Internet, kumalat na rin at nagkaroon pa ng maraming version ang jingle na nagsasabing “Si Villar ang tunay na mahirap…” Habang isinusulat ko ito, nai-LSS (last song syndrome) pa rin ako sa kantang ito. Sa paulit-ulit na pagkakarinig sa kanta, ibinabaon nito sa ating subconscious na si Villar ang karapat-dapat iboto bilang pangulo.

Pinaghandaan ni Senador Villar ang kanyang pagkandidato. Bago pa man dumating ang election season, bukod sa pagpapalabas ng TV ads ay nag-setup na siya ng isang website, ang Akalamo.com. Cool yung website. Huling-huli ang kakulitan ng kabataan kasi puwedeng mag-post ng kung anu-anong maling akala gaya ng “Akala ko guwapo, yun pala mukhang kabayo.” Pero ang pangunahing akala sa website ay: “Akala ko coño, yun pala laking Tondo.”

Ipinalabas din sa programang “Maalaala Mo Kaya” ng ABS-CBN ang istorya ng buhay ng nanay ni Villar. Dito ipinakita ang pagiging tunay na mahirap daw ni Villar dahil noong bata pa’y kasa-kasama siya ng inang nagtitinda ng isda at hipon sa Divisoria. Samantala, sa “Wowowee” ni Willie Revillame ng parehong istasyon, namimigay ng bahay at lupa bilang papremyo sina Revillame at Villar.

Kung tutuusin, halos sigurado na sana ang pagkapanalo ni Villar. Popular siya at may pondo para sa kampanya. Ngunit nagbago ang ihip ng hangin matapos pumanaw si dating Pangulong Cory Aquino. Hiniling ng marami ang pagtakbo ni Noynoy, ang nag-iisang anak na lalaki ni Cory at ng martir ng demokrasya na si Senador Ninoy Aquino. Tinanggap naman ni Senador Noynoy ang hiling ng mga tagasuporta ng kanyang mga magulang. Dahil naungusan ni Noynoy sa surveys, mas lalong kinailangang paigtingin ni Villar ang kanyang pangangampanya.

Tila di papipigil si Villar sa kanyang pagnanais na maluklok sa Malakanyang. Sa lahat ng mga kandidato sa pagkapangulo, siya ang may pinakamalaking ginastos sa political ads – tinatayang P1.2 bilyon sa tatlong buwan bago magsimula ang kampanya. Dahil sa ganitong paggastos, nagiging malapit sa intriga si Villar. Malaki raw ang ibinayad niya para ii-endorso nina Dolphy at Sarah Geronimo.

Kamakailan ay pinagbintangan siya ni Senador Dick Gordon ng panunuhol para umatras ang taga-Olongapo sa karerang pampanguluhan. Nauna nang nagkuwento ng tangkang panunuhol din si dating Pangulong Estrada, pero di siya nagbanggit ng pangalan kundi nagbigay lang ng clue na siguro’y maraming pera ang kandidatong gustong manuhol. Pinaratangan din ng vote-buying si Villar matapos habang nangangampanya ay mamigay siya ng tigdadalawampung piso sa mga bata. Itinanggi ng kampo ni Villar ang mga bintang at intriga.

Ang kahandaan ni Villar sa kampanya ay talaga namang inaasahan na sa bawat kandidato. Pero nakakabahala ang wari’y walang hangganang halaga ng salaping payag siyang gastusin para maging pangulo. Wika nga ng manunulat na si Angela Stuart-Santiago, “It’s obscene, the way, and the amount, Money Villar is spending to win the presidency.”

(Pinoy Gazette)