Bukod sa kahandaang gumastos nang malaki sa kampanya, ipinakita rin ni Senador Manny Villar ang kanyang husay sa pakikipag-alyansa at pagpayag sa kumpromiso para maakyat ang trono sa Palasyo.
Gaya ng kapwa dating House Speaker na si Jose De Venecia, naipakita ni Villar ang sipag at tiyaga sa paglikha ng “rainbow coalition.” Sa kampanyang ito, nagawa niyang mapagsama-sama ang mga indibidwal at grupo mula sa magkakatunggaling interes. Kaya naman kumbaga sa ulam, ang isasabak niyang Nacionalista Party slate ngayong Mayo ay mistulang chop suey.
Si Senador Loren Legarda, ang running mate niya, ay kasapi ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ni Danding Cojuangco. Hindi na bago na kung saan-saan ang mga taga-NPC. Kanya-kanyang lakad ang mga miyembro nito: yung iba’y administrasyon, yung iba’y oposisyon. Pero mala-himala pa rin kung paanong napunta si Loren kay Villar gayong ang senadora ay isa sa mga bomoto laban kay Villar sa naunang pagtalakay ng Senado sa C5 controversy. Ayon kay Legarda, pumayag siyang maging katiket ni Villar dahil tinanggap ng huli ang kanyang mga plataporma — kabilang ang para sa kababaihan at kalikasan.
Dati na ring advocacy ni Villar ang mga isyu ng kababaihan, gayundin ang sa OFWs. Kaya naman siguro hindi rin kataka-takang matapos tanggihan ni Senador Noynoy Aquino, natuloy rin ang pagiging guest candidates sa Nacionalista ng mga senatoriable ng Makabayan Coalition, na kinabibilangan ng mga party-list gaya ng Bayan Muna, Gabriela, Migrante, at Kabataan. Ayon sa mga aktibistang sina Ka Satur Ocampo at Liza Maza, si Villar lang ang seryosong presidential candidate na nakipagdiskusyon at tumanggap sa kanilang mga plataporma at programa.
Kahit si Loren ay itinuturing ngayong balimbing ng mga kritiko, dati na rin siyang sumusuporta sa mga usaping isinusulong nina Satur at Liza gaya ng usapang pangkapayapaan. Marahil ay isa ring dahilan ito kung bakit natuloy ang pagsama kay Villar ng mga makabayang kongresista. Nauna nang nagdeklarang tatakbong independent sina Satur at Liza matapos i-anunsiyo ni Villar ang pakikipag-alyansa niya sa Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Bongbong Marcos, anak ng yumaong diktador. Kinalaunan, binuwag ni Villar ang pormal na pakikipag-alyansa sa KBL. Naging guest candidate na lamang si Marcos, at gayundin ang mga makabayan.
Bagama’t hindi kasalanan ng anak ang kasalanan ng mga magulang, para sa marami ay hindi pa rin katanggap-tanggap ang pagsama ni Villar kay Marcos sa kanyang senatorial slate. Tinatayang lima hanggang sampung bilyong dolyar ang kinulimbat ng mga Marcos sa Pilipinas. Libu-libong ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao — tinorture, pinatay o di na muling nakita matapos dukutin ng mga galamay ng diktadurya.
Dahil gusto ni Villar na makuha ang boto ng Ilokandia, hindi siya nangiming isama ang anak ng diktador sa kanyang tiket — kahanay ang mga kinatawan ng mga biktima ng diktadurya — at ipinahayag pang bukas siya sa paglilibing sa ama ni Bongbong sa libingan ng mga bayani. May mga naniniwalang masamang senyales ito. Sa gitna ng mga haka-hakang si Villar ang totoong kandidato ni Gloria Macapagal-Arroyo — na itinanggi kapwa ng kandidato at ng Palasyo -– nakakanerbiyos ito. Kung walang problema si Villar sa pakikipag-usap kay Marcos para pareho silang manalo, bakit nga naman siya magkakaproblemang makipag-usap kay Arroyo para pareho nilang makuha ang kapangyarihang gusto nila?