Senador Noynoy Aquino
Si Senador Noynoy Aquino sa Pangasinan. (Senate website)

Patuloy na nangunguna sa surveys si Senador Noynoy Aquino, kandidato sa pagkapangulo ng Partido Liberal. Sa pinakahuling survey ng SWS, muling lumaki ang lamang ni Noynoy sa kanyang pangunahing katunggali na si Senador Manny Villar ng Partido Nacionalista.

Nakatungtong ang kampanya ni Noynoy sa pamana at pangalan ng mga magulang niyang bayani ng demokrasya: sina Ninoy at Cory. Kontra-corruption at kontra-Gloria rin ang inilalako niyang linya.

Ngunit pinupuna ng mga kritiko ang kakulangan ni Noynoy ng karanasan sa pamamahala. Naka-tatlong termino siya bilang kinatawan ng Tarlac at tatlong taon bilang senador nang walang naipapasang mga batas. Di siya kasingyaman ni Villar, kasingporma ni Gibo Teodoro ng Lakas-CMD o kasing-charming ni Erap Estrada ng Puwersa ng Masa. Tila umiiwas din siya sa mga forum at mga panayam sa media. Pero kahit sinasabing chain smoker at di gaanong matikas, pinagkakaguluhan at dinurumog pa rin siya ng mga tao sa kampanya.

Paglaban sa katiwalian, mapagbagong pamamahala ang pangunahing plataporma Noynoy. Naglabas siya ng dokumentong “Social Contract with the Filipino People,” na naglalatag ng mga plano nila ng katiket na si Mar Roxas. Isinasaad dito ang mga pagbabagong kailangan ng Pilipinas. Pero sa kabila ng kontrobersiyal na Hacienda Luisita ng angkang Cojuangco-Aquino, kapuna-punang walang binabanggit ang social contract tungkol sa reporma sa lupa. Bagama’t binanggit sa dokumento ang problema sa Mindanao, kinaligtaan naman nito ang rebelyong komunista.

Inaaasahang magsusulong ng pagbabago si Noynoy. Nakuha niya ang suporta ng mga bagong pulitikong para sa mabuting pamamahala gaya nina Among Ed Panlilio ng Pampanga at Grace Padaca ng Isabela. Ngunit maaga pa lang ay napasok na sa kompromiso ng tradisyunal na pulitika si Noynoy. Kahit tumatakbong anti-Gloria, tinanggap ng partido ni Noynoy ang ilang pulitikong bumalimbing mula sa administrasyon, gaya nina Ralph Recto, Cesar Montano. Isama rin ni Noynoy sa senatorial lineup niya si Dr. Martin Bautista, na nang-iwan ng mga dating kasamahan sa Ang Kapatiran Party.

Samantala, tinanggihan ni Noynoy ang pagkakataong makipag-alyansa sa mga grupong Magdalo nina Senador Antonio Trillanes at Bayan Muna nina Ka Satur Ocampo — mga kilalang tunay na lumalaban sa tiwaling rehimeng Arroyo.

Maraming mga tagasunod ni Noynoy ang magaling bumanat. Sa kabila ng kakayahang magbayad ng mamahaling PR firms, hindi naiwasan ni Villar ang negatibong epekto ng kampanyang Villaroyo — na nagsasabing siya ang sikretong kandidato ni Arroyo. Buong giliw itong pinalulutang ng kampo ni Noynoy. Ang aktibistang si Risa Hontiveros nga, na kandidatong senador ng Liberal, nagsusuot pa ng pulang balabal na may nakasulat na “Villaroyo.” May mga kumalat ding forwarded email ng isang mansion na sinabing kay Villar daw — pero hindi pala.

Sa kabila ng mga kahinaan ni Noynoy at ng kanyang kampanya, hindi maitatangging marami pa ring Pilipino ang kusang-loob na nangagampanya para sa kanya. Dito sa Kamaynilaan, laganap ang dilaw na ribbon na sagisag ng kanyang kampanya — mga puno, mga poste at mga kotse.

Umaasa ang mga tagasunod ni Noynoy na di niya sisirain ang magandang pangalan ng kanyang mga magulang. Pinanghahawakan nila ang pangakong di siya magnanakaw.

Nakakalungkot na sa halalang ito, nakakapit lamang tayo sa mga pangako at magandang pangalan. Nguni’t wari’y wala na tayong ibang mapagpipilian.