Nang magkaroon ng iPhone 3Gs ang girlfriend ko at mapaglaruan ko ito pagsapit ng weekend, hindi ko na hinayaang lumipas ang Lunes nang di ako kumukuha ng sarili kong unit.
Dahil loyal at long-time user ng Palm PDAs at phones, hindi ko binalak na bumili ng iPhone, lalo pa’t may kamahalan itong sikat na produkto ng Apple. Para sa akin kasi, nagagawa naman ng Palm phones ang lahat ng gusto ko sa smartphones — maliban na lang sa pagko-connect sa Internet gamit ang Wi-Fi. Ang gusto ko sanang ipalit sa naluluma ko nang Palm Centro ay bagong Palm Pre, dahil bukod sa touch screen at Wi-Fi capable ito, may keyboard din. Yun nga lang, nabili na’t lahat ng kumpanyang HP ang Palm ay di pa rin opisyal na nakakarating sa Pilipinas ang latest phone ng huli.
Bukod sa kagustuhang magkaroon ng Wi-Fi phone na may features na nakasanayan ko na, nakatulong din na ang mga malalapit sa akin — girlfriend, ilang kaibigan, at mga kasamahan sa opisina — ay gumagamit ng pinakamabentang produkto ni Steve Jobs, ang CEO ng Apple.
Ngayong bumigay na ako sa sa iPhone, aaminin kong na-realize kong ito ang katumbas ng Palm Treo sa kasalukuyang panahon. Kung ang Treo ang nagpakilala sa pagsasama ng personal digital assistant at cellphone, ang iPhone naman ang nagpadali at nagpasaya sa paggalugad sa World Wide Web nang ang gamit ay cellphone. Basta may Wi-Fi o unlimited data plan, lagi kang connected: wala nang patid ang pagsi-search at pagbabasa ng balita sa Yahoo! at ang pakikipag-chikahan sa email, YM, at Twitter. Dahil may WordPress for iOS, pwede rin akong mag-blog kahit nasa biyahe ako. Yun nga lang, putol ang ligaya sa sandaling malobat. Medyo mabilis kasing maubos ang battery ng teleponong ito, kaya’t lagi akong may dalang charger.
May iPod application ang iPhone, kaya’t pwede kong kopyahin dito ang mga paborito kong MP3s at videos. Kahit di ako masyadong mahilig mag-YouTube, natuwa ako sa panonood ng online videos sa iPhone. Marami ring ebook readers gaya ng iBooks at eReader, kaya’t puwede kong bitbitin ang digital copy ng mga binabasa kong libro. Pati Bibliya at prayer books, available rin. May apps din ang mga babasahin gaya ng TIME Magazine at New York Times.
Gaya ng Palm, tinangkilik din ng software developers ang Apple. Libu-libong iba pang applications para sa iba’t ibang pagkakagamitan ang mabibili sa Apple App Store, mula sa — sa maniwala kayo’t hindi — pan-record ng utot hanggang sa classic computer games at secure na listahan ng password. Nakakaaliw ang pamimili ng apps, at sa mahilig bumili, medyo magastos.
Isa sa mga apps na ginagamit ko ngayon ay ang Documents To Go. Ito ang ginagamit ko ngayon upang sulatin ang kolum na ito sa iPhone ko. Pasensiya na kung may makalusot na typo — onscreen keyboard lang ang gamit ko.
Kung pati pagsusulat ng kolum ay sa iPhone ko ginagawa, obvious na sigurong halos ayokong bitawan ang bago kong telepono.
(Pinoy Gazette)