Naging simbolo ng pagiging arogante at pagkalango sa kapangyarihan ang maiingay na sirena ng sasakyan, o iyong kung tawagin ay wang-wang. Sa kalsada, hinahawi tayo ng mga may wang-wang upang di sila maantala sa pagsisikip ng trapiko. Para tayong mga aliping sagigilid na kailangang gumilid at magbigay-daan sa mga amo’t mga anak ng diyos.
Noong isang taon, sinimulan ko ang isinulat kong pag-alaala kay dating Pangulong Cory Aquino sa kuwento tungkol sa mga may wang-wang:
“Kagabi, in-overtake ang sinasakyan kong taxi ng mga motorsiklong may wang-wang. Kasunod nila’y ilang magagarang kotseng may wang-wang din. Napilitan pang huminto ang isang bus para bigyan sila ng daan. Malamang ay may sakay na VIP — posibleng opisyal ng gobyerno.”
Kako’y di magugustuhan ng dating pangulo ang ganoon. Noong 1986, sa kanyang daan papunta sa pagluluklok sa kanya sa bilang pinakamakapangyarihang tao sa bansa, buong ingat na sinunod niya ang mga ilaw-trapiko.
Kaya naman ikinatuwa ko na gaya ng kanyang ina, sinimulan ng bagong Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang pamamahala sa parehong pagtanggi sa malaswang pagpapakita ng kapangyarihan.
Ganito ang sabi ni Pangulong Noynoy sa kanyang inaugural speech: “Walang lamangan, walang padrino at walang pagnanakaw. Walang wang-wang, walang counterflow, walang tong…”
Mayroon na talagang batas tungkol sa paggamit ng wang-wang. Ayon sa Presidential Decree 96, ang maaari lamang gumamit nito ay ang pangulo, pangalawang pangulo, Senate president, House speaker, at chief justice. Pero ngayon nga, mismong ang pangulo ay ayaw gumamit nito.
Ikinatuwa at pinalakpakan ng marami ang pahayag ni Noynoy. Tumugon ang mamamayan sa pamamagitan ng pakikilahok. Sa Internet, may gumawa ng Facebook group kung saan pwedeng i-report ang mga may wang-wang. Nakiisa rin ang kapulisan sa pamamagitan ng aktibong paghuli sa mga may ilegal na wang-wang. Nasampolan nga kamakailan ang dating kongresistang si Annie Susano.
May mga nagsasabing kailangang pa ring gumamit si Noynoy ng wang-wang para na rin sa kanyang kaligtasan. Ngunit sa ngayon, pinaninindigan niya ang pagiging isang mabuting halimbawa. Masama nga naman kung sasabihing “All animals are equal” tapos biglang durugtungan ng “but some animals are more equal than others.”
May mga iba naman na nagsasabing kung gusto raw ni Noynoy na magpapogi, dapat ay di lang wang-wang ang kanyang tugunan, kundi pati rin bang-bang (extrajudicial killings) at ang isyu sa Hacienda Luisita. Valid ang kanilang mga isyu. Pero ayos din sa pagbibigay ng mungkahi: may kasamang banat. Sabagay, karamihan sa kanila’y hindi naman talaga nagbigay o magbibigay pa ng pagkakataong patunayan ni Noynoy ang kanyang katapatan. Para sa kanila, bawat hakbang tungo sa daang matuwid na sinasabi ni Noynoy ay pagpapapogi lamang.
Pero sa palagay ko, kapag tinanong ang mas nakararami sa taumbayan, malalamang kasama sila ng pangulo sa pagsupil sa wang-wang.
(Pinoy Gazette)