(Unang nalathala sa Tinig.com)
Maganda ang gising ko noong umaga pagkatapos ng eleksyon. Kaisa ako ng isang buong bayang wari’y sabay-sabay na naglabas ng isang mapagpalayang buntung-hininga matapos ang di-inaasahang kinalabasan ng halalan.
Sa kabila ng napakaraming mga pangambang dulot ng kawalang-tiwala sa mga nakaupong aliw na aliw sa kapangyarihan, nairaos din ang halalan. Pagsapit ng gabi, nasaksihan ko sa telebisyon ang mabilis na pagdating ng mga resulta ng botohan. Tuwang-tuwa ako na kahit sa bilangan ng boto man lang, wari’y ang pagiging first world ay ating natikman.
Siyempre, hindi naman ako nag-iilusyong perpekto na ang lahat at nakarating na tayo sa minimithing Enchanted Kingdom sa larangan ng pulitika at pamamahala. Hindi naman tuluyang binura ng election automation ang karamihan sa mga lumang problema gaya ng katrapohan, bilihan ng boto, at karahasan.
Pero ayon sa pulisya, nabawasan ang mga karahasang kaugnay ng halalan. Gawa marahil ng mabilisang pagpapadala ng mga bilang ng boto sa Comelec, wala nang panahon ang maiitim ang budhi para gumawa ng kabuktutan at ma-Hello Garci ang resulta ng halalan. Kahit paano, magandang simula ito.
Sa umagang iyon pagkatapos ng eleksyon, namalas ko ang maaliwalas ang paligid na pinaliguan ng dilaw na sikat ng araw. May hatid na pag-asa ang noo’y napipinto pa lamang na tagumpay ni Noynoy Aquino, ang tagapagmana ng mga pangunahing bayani ng demokrasya sa ating bansa. Hindi inilaglag ng bayan ang taong kanilang tinawag upang pamunuan ang pagbabalik ng tiwala sa pamahalaan. Nagtagumpay ang kampanyang sinimulan at dinala ng taumbayan, at nailuklok ang bagong people power president.
Hindi man masasabing si Noynoy ay ganap na walang bahid, naniniwala naman akong walang duda ang mga tao sa kanyang katapatan at kababaang-loob. Malaki ang pag-asang sa kanyang pamumuno, magsisilbi siyang mabuting halimbawa para sa mabuting pamamahala at malinis na pamahalaan.
Sa pagkakapanalo ni Noynoy, tumibay ang katiyakan ng pagtatapos ng siyam na taong rehimen ng karahasan at kasinungalingan. Nabigyan din tayo ng isa pang pagkakataong maisakatuparan ang mga napakong pangako ng pangulong pinaupo ng ikalawang people power revolt. Sa tulong ng mga mamamayang naghalal sa kanya, maisakatuparan nawa ito ng pangulong iniluklok ng people power sa loob ng eleksyon.
(Pinoy Gazette)