“Madilim ang gabi. Humahaginit ang hangin. Umuulan, at anong lakas! Nalalapit na yata ang malakas na bagyong tatahak sa Katimugang Luzon. Sa aming dampa ay wala kaming matayuan ni Inay. Basang-basa ang aming sahig dahil sa mga butas ng aming lumang yerong bubong…”

Ganyan ang pagkaalala ko sa mga pambungad na linya ng isang declamation na sinaulo namin ng mga kamag-aral ko matagal na panahon na ang nakalilipas–noong nasa elementary school pa ako. Ewan ko ba’t kung bakit pati kaming mga lalaking honor students ay pinag-ensayo ng aming mga guro sa isang declamation contest kahit ang ang pangunahing karakter sa bibigkasing piyesa ay isang batang babae.

Naaalala ko ang piyesang ito dahil kay Reming. Habang isinusulat ko ang sanaysay na ito, nag-i-enjoy si Reming sa Puerto Galera. Daraan dapat siya sa Kamyanilaan, pero tila nagbago ang isip at ang Kabikulan at Timog Katagalugan na lang ang napagtripan niya, kabilang ang Mindoro at Marinduque, ang aking lalawigan.

Katatapos pa lamang manalasa sa Pilipinas ng mga kauri niyang sina Milenyo, Paeng, at Queenie, dumating naman si itong si Reming. Ang una ay kumitil ng halos 200 katao, at nagpabagsak ng mga billboards sa Kamaynilaan, at ang tatlong huli ay itinuturing na mga super typhoons o mga bagyong sobrang lakas.

Nauna sa kanila, may isang bagyong dumaan sa bansa noong Hulyo. Gloria ang nakatakda niyang pangalan, pero ang kanyang pagbisita sa bansa ay nataon sa state of the nation address ni Gloria Macapagal-Arroyo. Marahil ay ayaw nang dagdagan ang sigwang mamumuo sa mga lansangan dahil kay Gng. Arroyo, binago ng mga otoridad ang pangalan ng bagyo, at ginawa itong Glenda.

Itong si Reming, nakapatay na ng may 40 at kinatatakutang nagbaon ng may 100 pang katao sa isang mudslide sa Bikol. Sa amin sa Marinduque, inilipad daw ni Reming ang bubong ng mga kabahayan.

Noong lumalaki pa lamang ako sa Marinduque, marami ring bagyo ang naranasan ko.

Tumira kami ng aking ina sa isang dampang nakatirik malapit sa isang sapa. May maliit kaming tindahan, at nagluluto si Mama ng mga pagkaing ibinebenta sa mga estudyante sa kalapit na paaralan. Bahain ang lugar na kinatatayuan ng aming dampa. Minsang bumagyo’y binaha kami, at medyo natakot ako nang sukatin ni Liwayway–ang kaklase kong tumutulong sa pagluluto ni Mama–ang tubig; hanggang bewang na niya ito! Hindi kami kalakihang mga bata, kaya mapanganib na kung tataas pa ang tubig. Sa awa ng Diyos, humupa ang bagyo nang walang anumang nangyaring masama.

May isang bagyo rin na natapat pa sa pagbuga ng abo ng Bundok Pinatubo. Dahil doon, nakaabot sa amin ang mga abo mula sa Gitnang Luzon.

Kapag bumabagyo, siyempre’y nasa loob lang ako ng bahay noon at ngayon. Sino ba namang matutuwang maglagalag kapag masama ang panahon? At kung noon, binabaha ang tirahan ko, ngayo’y di na ito nangyayari dahil nasa ikatlong palapag na ang apartment na inuupahan namin ng mga kaibigan ko. At kahit may kainitan maghapon at magdamag, isang totoong “shelter” ang tingin ko rito. Noong kasagsagan ng bagyong Milenyo, habang nananalasa ang hangin at kaunting ulan sa Maynila, nakasara ang bintana naming bubog. Mula sa loob ay pinagmamasdan ko ang paghagupit ng hangin sa mga puno pero di ko gaanong marinig ang ingay nito. Para akong nanonood ng bagyo habang nasa isang spaceship.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center