FLASH REPORT!
Cherrie Gil just
gave Vic Agustin
a “douse of cold
water,” saying,
“You’re nothing
but a second-rate
trying-hard
copycat!”
Galing ang “quotable quote” sa huling bahagi ng text message na ito sa pelikulang “Bituing Walang Ningning” nina Sharon Cuneta at Cherrie Gil, kung saan gumanap ang huli bilang Laviña, ang sikat na mang-aawit na nagalit sa dati niyang tagahanga na nagsisimula na ring sumikat.
Kumalat noong isang linggo ang text message na ito matapos sabuyan ni Vic Agustin, kolumnista ng Inquirer, ng isang basong tubig ang aktibistang si Renato Constantino. Dumalo kasi at kahit ‘di mamamahayag ay biglang nagsalita si Constantino sa isang press conference nina Agustin kasama sina House Speaker Jose De Venecia, na pangunahing nagsusulong ng pagbabago sa Saligang Batas. Tinawag ni Constantino na manggagahasa si De Venecia at ang mga kasamahan niyang mambabatas. Dahil dito, naainis ang grupo nina Agustin at iba pang mga kolumnistang pro-Charter Change, ipinadampot sa mga guwardiya si Constantino, at naganap nga ang sabuyan ng tubig.
Bukod sa pagiging bida sa text messages, nasuspindi pa ang kolum ni Agustin sa Inquirer. Tinuligsa rin ng National Union of Journalists of the Philippines ang ginawa ni Agustin.
Sa tingin ko, matapos ang pagsingit ni Constantino sa press conference nila, may karapatang makaramdam sina Agustin na pagkainis. Di natin sila masisisi kung sa tingin nila ay nabastos sila. Ngunit kung pakasusuriin, sino nga ba ang tunay na bastos? Sino ang garapalan ang ginawang pambabastos?
Hindi ba’t mas matindi at garapal ang ginawa ng grupo ni De Venecia sa Kongreso? Upang mabigyang daan ang isinusulong nilang pagbabago ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly, binago ng mga kasapi ng mayorya ang mga panuntunan ng mababang kapulungan ng Kongreso sa kabila ng maigting na pagtutol ng minorya
Ang mga panuntunang ito na sila-sila rin ang gumawa sa pagsisimula ng 13th Congress, madalian nilang binawasan upang mapadali ang kanilang plano. Tinanggal nila ang bahaging nagsasabing ang mga panukalang pagbabago ng Saligang Batas ay daraan sa prosesong katulad ng sa paggawa ng mga batas. Dahil dito, hindi na kakailanganin ang mahabang panahong kailangan sa paggawa ng batas upang mabago ang Konstitusyon.
Kabilang sa mga panukalang nais ipasa ng mga congressman ang kanselasyon ng halalan sa Mayo at pagbubuo ng isang interim Parliament na bubuuin ng mga kasalukuyang kasapi ng Kongreso. Sa burador ng mga panukalang pagbabago, kabilang ang pagkakaroon ng limang taong termino, at maaari tumakbo ang mga kandidato hangga’t gusto nila. Ayon sa isang ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, marami sa mga nasa huling termino sa mababang kapulungan na mga kasapi ng mayorya–kabilang si Constantino Jaraula ng Cagayan de Oro, na pinuno ng Committee on Constitutional Amendments–ang makikinabang kung matutupad ang mga panukalang ito.
Sino ngayon ang guilty ng garapal na pambabastos–at oo, tangkang panggagahasa sa Saligang Batas?
“[I]pinakita po natin sa buong sambayanan kung paano natin nilalabag ang ating sariling patakaran para lang tumugon sa pansariling interes,” wika ni Rep. Erin Tañada ng Quezon sa kanyang talumpati noong pinagbobotohan ang pagtanggal sa isang bahagi ng panuntunan. “Mr. Speaker, ito po ay isang nakakalungkot at nakakahiyang araw para sa malaking kapulungang ito,” dagdag pa ng palabang kongresista.
(Pinoy Gazette)