Tatlong kilalang mga babae sa ating kasaysayan ang sabay-sabay na naging laman ng mga balita nitong nakaraang linggo.
Si Imelda Romualdez Marcos. Dating First Lady ng Pilipinas. Asawa ni Ferdinand Marcos, ang sumakabilang-buhay nang diktador na kasama si Imelda ay nakakulimbat ng tinatayang lima hanggang 10 bilyong dolyar mula sa kaban ng yaman ng bansa. Sinasabing naging may-ari ng pinakamalaking koleksiyon ng mga alahas sa buong mundo at ng 3,000 pares ng sapatos, itinuturing si Imelda ng Newsweek magazine na isa sa mga pinakaganid na tao sa lahat ng panahon.
Kamakailan ay nagpapa-victim sa telebisyon ang dating unang ginang. Umiiyak na sinabi sa mga reporter na naghihirap na raw siya dahil naubusan na ng pera.
Sa totoo lang, nakakaawa na nga si Imelda. Sa sa sobrang paghihirap niya, sa Singapore na lang siya nakakapagpatingin ng lumalabong mata. Dahil sobrang gipit, isang 22-carat na diyamanteng singsing na lang ang kaya niyang isuot. At sa Sofitel (dating Westin) Philippine Plaza Hotel na lang siya nagdiwang ng kanyang ika-80 kaarawan.
Si Gloria Macapagal-Arroyo. Nakaupong pangulo ng Pilipinas. Asawa niya si Mike Arroyo. Nakuha ang puwesto matapos mag-“Hello Garci” sa isang opisyal ng Comelec. Pinangangambahang nagbabalak na mapahaba ang kanyang termino upang makaligtas sa patung-patong na mga kasong maaari niyang harapin pagkatapos ng kanyang rehimen.
Di patatalo si Gloria sa pagsasabi ng isang bagay at paggawa ng kabaliktaran nito. Noong 2002, sa araw ni Gat Jose Rizal, sinabi niyang di na siya tatakbo sa 2004 para makatutok sa pamamahala. Pero tumakbo rin siya’t nanalo sa tulong nga ni Garci.
Pagkatapos bumisita sa Japan, Brazil, at Hong Kong, pumasok si Gloria sa Asian Hospital. Uso kasi ang A (H1N1) flu kaya kailangang magpa-quarantine para kung sakali mang nakakuha siya ng virus sa abroad, di siya makakahawa rito. Yan ang maganda sa lider, hindi nagpapa-exempt. Kaso lang, biglang pumutok ang balitang nagpaayos daw ng kanyang dibdib at nagpa-biopsy ng mga bukol si Gloria. Itinanggi ito ni Press Secretary Cerge Remonde: “Si Presidente ba mukha na iyong tipo ng babae na magpapaganun?” Pero kaagad ding kumambyo. Inaming nagpalagay ng breast implant si Gloria noong 1980s, pero di naman daw nagkaproblema ngayon. Natatawa na lang ang marami.
Si Corazon Cojuangco-Aquino. Dating Pangulo ng Pilipinas at pandaigdigang icon ng demokrasya. Asawa ni Benigno Ninoy Aquino, na lumaban sa diktadurya, naging martir at lalong nagpaalab sa galit ng bayan laban sa mapanupil na rehimen. Itinuloy ni Cory ang laban ng asawa, sinamahan ng sambayanan, at iniluklok sa Malakanyang.
Sa kabila ng pagbabalik ng demokrasya at mabuting hangarin, ang kanyang pamumuno ay kinakitaan din ng mga kamalian at pagkukulang. Subalit di gaya ng ibang nangungunyapit sa kapangyarihan, si Cory ay tila di makahintay na muling maging ordinaryong Pilipino sa pagtatapos ng kanyang termino. At sa mga panahong nanganganib ang demokrasya, tumatayo siya’t pinangungunahan ang laban ng mga Pilipino.
Dinala rin sa ospital si Cory kamakailan. Hindi siya makakain habang nakikipaglaban sa kanser. Kinakalampag ng mga Pilipino ang pinto ng langit at hinihiling ang paggaling ng iginagalang na pinuno.
Imelda, Gloria, at Corazon. Sino ang naiba?
(Pinoy Gazette)