Nabanggit ko sa nakalipas na kolum ang tungkol sa Bastusang Pambansa Scandal, o ang walang patumangga at buong pagmamadaling pagpasa ng mga mga congressmen ni Gloria Arroyo ng isang resolusyon para tipunin ang kanilang sarili sa constituent assembly na babago sa Konstitusyon.
Tila rumaragasang train na ipinasa ng mga kaalyado ni Gloria sa House of Representatives ang House Resolution 1109. Nananawagan ang resolusyong ito na gawing constituent assembly ang Kongreso — may pakikiisa man o wala ng Senado. Iginigiit ng Resolusyon na hindi na kailangang bomoto nang magkahiwalay ng Senado at ng House para magpanukala ng pagbabago sa Saligang Batas. Basta kailangan lang daw ng boto ng 3/4 ng lahat ng mga miyembro. At dahil mas nakararami ang mga congressman kaysa sa mga senador, malaki ang tsansang magagawa nila ang gusto nilang gawin.
Sa kabila ng malawakang pagtutol ng mga mamamayan sa Charter change sa panahong ito, itinuloy pa rin ng mga congressman ang pag-apruba sa resolusyon. Naging paalaala tuloy ang botohan nila sa mga nakalipas na impeachment attempts laban kay Gloria na laging ibinasura ng mga congressman kapalit ng pakinabang mula sa Malakanyang.
Sa galit ng marami sa ginawa ng mga maka-Gloriang congressman, binansagan nilang Bastusang Pambansa ang institusyong dating tinawag na Batasang Pambansa. Sabi rin ng iba, ang mga nagsusulong ng con-ass ay mga con asses. Ayon sa ibang mga congressman na kontra sa HR1109, ang ginawang pag-apruba rito ay “gang rape of the Constitution.” Hirit naman ni Kabataan Party Rep. Mong Palatino, ang con-ass scandal ay masahol pa sa Hayden Kho Scandal.
Pagkatapos ng siyam na taon ni Gloria sa Palasyo, hindi na maaatim ng maraming Pilipino na manatili siyang pinuno ng bansa. Ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, 46% ang disapproval rating niya. Sa isa pang survey ng Pulse Asia, natalo na rin ni Gloria ang diktador na si Ferdinand Marcos sa titulong pina-corrupt na presidente sa kasaysayan ng bansa. Kaya naman allergic ang mga tao sa Charter change. Iniisip kasi nila na gagawan ng paraan ng mga congressman na ma-extend ang termino ni Gloria, pati na rin ang sa kanila.
Tila nagsisigurado, isinatitik ng mga nagsulat ng HR 1109 ang mga pangakong hindi papaikliin o daragdagan ng anumang Charter change ang termino ng pangulo at iba pang opisyal ng gobyerno. Ipinangako rin ng resolusyon na matutuloy ang eleksyon sa susunod na taon.
Okay na sana. Kaso, ang mga nagsulat ng resolusyong ito ay mga alipores ni Gloria. Noong Disyembre 2002, birthday ni Rizal, ini-anunsyo ni Gloria na isasakripisyo niya ang kanyang politikal na ambisyon — di na raw siya tatakbo sa 2004 para makapag-concentrate sa kanyang mga tungkulin bilang pangulo. Pero tumakbo pa rin siya, pinataas ni Garci, at idineklarang panalo. Kung kayang gumawa ni Gloria ng ganoong panggagantso, bakit di kakayanin ng mga congressman na umiidolo sa kanya?
Bastusang pambansa ba kamo? Sanay na sanay na sila sa pambabastos sa atin! Bastusin din sana natin sila sa ating mga balota sa susunod na taon — kung magkakaroon ng eleksyon!
(Pinoy Gazette)