Ilang linggo nang pinag-uusapan sa dyaryo, radyo, telebisyon dito sa Pilipinas — at lalo na sa Internet — ang sex video scandal nina Hayden Kho at Katrina Halili.

Si Hayden, 29, ay isang plastic surgeon na nag-artista. Dati siyang boyfriend ng isa pang celebrity doctor na si Vicki Belo, na mas matanda kaysa sa kanya. Si Katrina naman ay isang artistang nakapasok sa showbiz dahil sa StarStruck, isang celebrity search show ng GMA-7. Parehong endorser ng Belo Medical sina Hayden at Katrina.

Naghiwalay sina Vicki at Hayden noong Disyembre. Nagkaroon kasi ng mga tsismis na habang sila pa ay naging sina Hayden at Katrina rin daw — at may sex video pa! Kahit inamin ang kanilang naging relasyon, itinanggi nina Hayden at Katrina na mayroon silang video.

Pero ilang buwan ang lumipas, unti-unting lumabas sa Internet ang mga video. Una’y ang pagsasayaw nina Hayden at Katrina habang kumakanta ng Careless Whisper. nagpapraktis sila noon ng performance nila para sa TV show na Celebrity Duets. May lumabas ding video ni Katrina na nagsasalita sa camera. Pinakahuling lumabas ang malabong video ng pagtatalik ng dalawang taong kamukha nina Hayden at Katrina.

Bukod pa rito, may lumabas ding video ni Hayden na ka-sex ang isang modelong Brazilian at dalawa pang video na nagpapakita ng pakikipagtalik siya sa isang dating kasintahang doktor na commercial model at nag-aartista na rin.

Kumita ang mga pirata at nagtitinda ng mga pekeng DVD. Kumita rin ang mga bloggers na nanlalansi sa mga mambabasa sa pamamagitan ng paglalagay ng ads na kunwari’y link para ma-download ang sex scandals.

At siyempre, kumalat ang Hayden jokes gaya ng: “Bakit di alam nung mga babae na nai-video na sila ni Hayden? Kasi gumamit siya ng hayden cam.” Meron ding “Kapag nag-hi sa yo si Katrina, ano ang sasabihin mo? E di hay den.”

Bumangka rin ang mga senador na sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, at Jamby Madrigal. Kinondena ni Bong si Hayden sa “pambababoy” niya sa mga babae. Napataas tuloy ang kilay ng marami.

Sa imbestigasyon sa Senado, nagkaharap sina Hayden at Katrina. pero bago sila ulanin ng mga tanong nina Bong, Jinggoy, at Jamby — na chair ng committee para sa mga kababaihan — nabasa na muna si Hayden nang buhusan siya dating pulis na si Abner Afuang ng isang boteng mineral water.

Isang Dr. Erik Chua, kaibigan ni Hayden na naagrabyado raw niya, ang pinaghihinalaang nag-upload ng mga videos sa Internet. Itinanggi ni Chua ang paratang. Si Vicki naman, na mayroon din daw video kasama ang kaibigan na lang daw ngayong si Hayden, ay nagsabi ring wala siyang kinalaman dito.

Samantala, patuloy pa rin ang pagkalat ng mga sex videos sa mga bangketa at sa Internet.

Medyo humupa lamang ang eskandalo nang pumutok ang Bastusang Pambansa Scandal, o ang walang patumangga at buong pagmamadaling pagpasa ng mga mga congressmen ni Gloria Arroyo ng isang resolusyon para tipunin ang kanilang sarili sa constituent assembly na babago sa Konstitusyon.

Pagkuwentuhan natin ang mga con-ass boys and girls ng Bastusang Pambansa sa susunod.

(Pinoy Gazette)