Nagtatakbo muna ako kanina bago ko simulang sulatin ang artikulong ito. Kahit natapilok na naman ako kahapon kaya’t medyo ayoko pang bugbugin ang kanan kong paa, kinailangan kong tumakbo nang may malalaking hakbang papunta sa pinto ng tren.

Oo, sa MRT ko ito isinusulat gamit ang Palm Centro ko. Mula nang lumipat ako sa bago kong trabaho, tuwing weekday ay isa na ako sa mga nakikipagsapalaran sa dapat ay pinakamabilis na paraan ng paglalakbay sa magkabilang dulo ng EDSA. Sinasabi kong dapat ay pinakamabilis dahil kagabi, ikinumpara ko ang bilis ng dumaraang MRT sa mga bus at kotseng kasabay nito sa Kamuning flyover. Nagtaka ako kung bakit napakahinhin ng MRT. Baka kako pagod na sa maghapong pagtakbo. Pero at least, konti lang ang traffic.

Pero mas nakakapagod maging pasahero ng MRT. Tuwing umaga, isang pakikipagsapalaran ang pagsakay rito. Sa oras ng pasukan, kung sa North EDSA ka sasakay ay kailangan mong tawirin ang isa munting dagat-dagatan ng mga tao. Good luck na lang sa paghinga. Sa pinagmumulan ko namang estasyon — sa Kamuning — kung wala kang stored value ticket, kailangan mong pumila nang napakahaba. At matapos mong makabili ng tiket, bubunuin mo ang pila papasok sa sakayan na maaaring umaapaw hanggang EDSA o sa third floor ng station.

Dahil mahilig ako sa mga bagong bagay, nagpapaka-techie, at mahilig sa kung anu-anong cards, bumili ako ng reloadable MRT access card na may disenyo ng tsokolateng KitKat. Mas mahal nang konti ang rates nito kaysa sa stored value ticket — na may bonus pa nga — pero cool naman, kasi ididikit mo lang sandali sa card reader, makakapasok ka na. Ilang beses din akong nagkaproblema — di ko ata masyadong naidikit sa reader kaya di ako makapasok.

Kaya noong mga sumunod na araw, paka-tap ng card sa reader ay dahan-dahan kong itinutulak ang barrier para naman di masakit sa bewang kung di ako makapasok. Isang araw, nakita ako ng isang security guard sa ganitong slowly but surely na pagpasok. Hinarang ba naman ako at hinawakan ang access card ko. Hindi ko alam kung hindi niya alam na may ganoong card talaga sa MRT o akala niya’y nakalibre ako — at di ko maubos-maisip kung bakit niya maiisip na ganoon. Medyo late na ako noon, at may dumating na ang MRT. Hinablot ko na lang sa kanya ang card, sabay sabing “Ano ba, nagmamadali ako!” at diretsong takbo sa bukas na pinto ng tren.

Pero masuwerte rin ako kahit naepal ng guard nang araw na iyon, kasi nakadiretso ako sa loob ng tren. Kapag oras ng pasukan sa umaga, ganito ang eksena: Kapag na mismong platform ka na, humanda ka na sa mini-stampede, dahil ang limandipang taong gustong makapasok ay hindi puwedeng hindi magtutulakan habang nag-iingay. May isang umagang nauna ako sa loob at nasaksihan ko ang pagkadapa ng ilang tao habang papasok sa MRT.

Kanina, mabuti’t di ako gaanong nahirapan. At nakuha ko pa ang magandang puwesto sa hugpungan na di masyadong pinupuntahan ng iba dahil walang makakapitan.

Ganyan katindi ang pagsakay sa MRT sa umaga dito sa Maynila.

(Pinoy Gazette)