Pagpapahalaga sa pagiging Pilipino at pagmamahal sa bayan ang mga panawagang iniwan sa atin ni Francis Magalona. Sa kanyang paglisan matapos ang pakikipagbuno sa leukemia, lalong lumakas at mas marami ang naabot ng kanyang makabayang tinig.

Sa tuwing ipapalabas sa telebisyon ang balita tungkol sa kanya at sa kanyang naiwang pamilya, naalala natin ang patulang deklarasyon niya ng paniniwala sa lahing kayumanggi:

Mga kababayan ko
Dapat lang malaman n’yo
Bilib ako sa kulay ko
Ako ay Pilipino.

Mapapakinggan din sa file at music sharing sites sa Internet — o sa ating CD o MP3 player — ang kantang niyang 1-800 Ninety Six na handog niya para sa sentenaryo ng Rebolusyong Pilipino:

Dugo’y inialay,para sa bayan
Sayang naman ang kanilang pinaglabanan
dugo’y bumaha at naging pataba
bulok ang bunga,tumulo ang luha.

Sa bawat pagbisita sa kaniyang blog sa Internet, maaaring mabasa ng mga nagpo-post ng paghanga at pakikiramay ang panulat ni Francis M. Ganito ang bahagi ng isinulat niya noong nakaraang Rizal Day:

“I guess if we just loved our country so much we would be willing to die for it. I would. But a dead me is a useless me. I am more useful alive. As long as I live, I will continue to espouse his dedication to uplift our country and our people.

“We are a people with heritage. Period. Before we were colonized by Spain we had a culture, we had governance, we had commerce, and we had our art.

“Long live Rizal and the other heroes like Bonifacio, del Pilar, Mabini who fought for our independence.

“Long live THE FILIPINO AND FILIPINA.”

Ngunit di nakuntento sa Francis M sa pag-awit, pagtula, at pagsusulat lamang ng kanyang pagkarahuyo sa bayan — isinuot din niya ito. Kaya kasama ang ilang mga kaibigan, isinilang ang FrancisM Clothing Company na kilala sa sagisag na 3 Stars and a Sun. Nagbabandila ng pagmamalaki sa pagiging Pilipino ang mga kasuotang gawa ng FMCC. Ang misyon ng kumpanya: “Instill pride in our race and to Filipinize every corner of the globe.”

Sa katatapos lamang na concert ng Eraserheads — na mga kaibigan ni Francis M — sandaang libong katao ang sumigaw ng kanyang pangalan at nakisabay sa pag-awit ng ilang bahagi ng kanta niyang Kaleidoscope World. Samantala, patuloy na humahaba ang mga pila sa mga tindahan ng FMCC sa dami ng mga taong nais magsuot ng damit na may tatlong bituin at isang araw.

Sa kabila ng pagluluksa, ipinagbubunyi natin ang mga pamana ni Francis Magalona, isang tunay na Pilipino.

(Pinoy Gazette)