Nakakaaliw ang isang joke na kumalat nitong mga nakalipas na linggo rito sa Pilipinas. Pagbabago raw ang ipinangako ni US President Obama, kaya naman ilang araw matapos niyang tawagan si Gloria Arroyo, nagbago si Nicole.
Sa isang sinumpaang salaysay na lumabas sa media kamakailan, nagpahayag ng pagdududa si Suzette Nicolas — ang Subic rape victim na lalong kilala bilang Nicole — kung ginahasa nga siya ng US Marine na si Daniel Smith.
Nauna rito, sinabi ni Atty. Evalyn Ursua na tinanggal na siya ni Nicole bilang abogado. Nasa Amerika na raw si Nicole at doon na maninirahan kasama ang kanyang Kanong boyfriend.
Ang pahayag ni Nicole ay nagbunsod sa media upang iulat na bumaliktad na raw siya. Sari-saring batikos din ang ibinato ng publiko kay Nicole dahil sa kabalintunaan ng kanyang mga ginawa.
Bagamat nakakadismaya ang mga pangyayaring ito, kailangang linawin na ang salaysay niya ay hindi nagpapawalang-sala kay Smith kundi nagpahayag lamang ng bagong pananaw at mga pagmumuni-muni ni Nicole sa mga nangyari. Bukod pa rito, katakataka na ang nagnotaryo sa salaysay ni Nicole ay isang abogadong taga-law firm na kinabibilangan ng abogado ni Smith.
Pero kung saka-sakali mang talagang nagbago na ng posisyon si Nicole; kung totoo ang haka-haka ng ilan na bumaliktad na siya at sa paniniwala niya ngayo’y hindi panggagahasa kundi landian lamang ang namagitan sa kanila ni Smith, sa huli ay kailangan natin siyang unawain. Gaya ng bawat isa sa atin, may mga pangarap siyang nais abutin. Sa kaso ni Nicole, tila ang pangarap na iyo’y di sa ating lupain matatagpuan.
Samantala, habang ipinauubaya na natin si Nicole sa kanyang great American dream, at kahit marami sa atin ang ngayo’y nag-iisip na baka nga inosente — malibog nga lang — si Smith, hindi pa rin dapat tigilan ang paglaban sa Visiting Forces Agreement.
Ano man ang totoong kuwento sa ginawa ni Smith kay Nicole, ipinakita pa rin ng Subic rape case ang maliwanag pa sa sikat ng araw na pagkadehado ng Pilipinas sa VFA at ang pagka-‘tsinelas ng Kano’ — ika nga ng kaibigan kong si Mart — ng administrasyon. Nahatulang guilty ang akusado, pero nang makulong ay itinakas sa bilangguan at dinala sa US embassy — dahil ito raw ang sinasabi ng VFA!
Kailangan talaga natin ng pagbabago — at iyo’y ang pagpapawalang-bisa sa mga di-pantay na kasunduang gaya ng VFA.
(Pinoy Gazette)