Nabuo ang ideya ng paggawa ng isang online magazine matapos ang tig-isang termino namin ni Suyin (Tinig.com associate editor) bilang mga punong patnugot ng Tinig ng Plaridel, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas.

Nag-enjoy kaming masyado sa Tinig ng Plaridel, na 1997 pa lamang ay may Web presence na, kaya naisip ko ang isang online zine na ang magiging staff ay kami-kami rin sa Tinig 1997-98 at 1997-99. Pero dahil mga graduate na at medyo di na madalas nagkakakitaan, bukod sa ang iba’y hindi naman laging online, natagalan ang pagbubuo nito.

Gayunpaman, tuwing magkikita-kita o magkakapalitan ng e-mail at text messages ay nababanggit namin sa isa’t isa ang binabalak na online magazine. Naging bukambibig pa nga ang “Kailan ang meeting?”

Matapos ang dalawang taon, hindi pa rin nai-set ang unang pagpupulong, kaya naisip ko nang ituloy ang plano kasama ang kaibigan at kapwa writer-netizen at taga-UP rin na si Noel (managing editor). Sinimulan na namin ang brainstorming para sa site. Sina Noel at GJ (art director) ay nagsimula na rinng mag-conceptualize ng mga karagdagang features gaya ng komiks.

Matapos na masaya kong ibalita kay Suyin na okay na ang domain name sa site na napagpasyahan naming tawaging Tinig.com, nagsimula na kaming mangolekta ng mga artikulo.

Karamihan sa mga mababasa ninyo sa Tinig.com v1 ay yaong mga tumugon sa panawagan namin para sa mga kontribusyon:

Sinisikap naming mapalawak ang sakop na subject area ng mga artikulo sa Tinig.com kaya naman bukod sanaysay ng isang militanteng texter at pagmumuni-muni ng isang bagong aktibista ng EDSA’t Mendiola, narito rin ang mga hinaing ng isang pogi at ang mga isipin habang naglalakbay si killerpogi.

Aalayan naman tayo ng dalawang mga tula ni Jun samantala’y pakinggan din natin ang pahayag ng Akbayan-Youth at mga kaalyadong grupo ng mga kabataan hinggil sa special registration.

Salamat kay Boyet Caparas, isang abogadong nag-a-advocate ng karapatan ng mga bata, at isa sa mga consultants natin sa Tinig.com, sapagkat inanyayahan niya tayong sabayan sa pamumulot ng basura ang mga kurakot boys.

Iba’t iba ang kwento ng ating mga manunulat sa isyung ito.

Malapit na noon ang Binibining Pilipinas at medyo excited si Tembarom sa pagkakasali ng kanyang crush na dating kaeskuwela. Isinulat niya ito sa Peyups.com, na buong puso namang nagpahiram ng nasabing artikulo sa Tinig.com.

(Salamat nga pala sa Peyups.com, Bb. Pilipinas Homepage at sa Philippine Journalism Review para sa mga larawan.)

Tila higanteng alon naman ang daluyong ng alaala ng pagmamahal ni Tina sa kanyang namayapang lola.

Galit sa vandalism si Ms Angel pero mahilig makipag-penpal ang isa pa nating contributor.

Siyanga pala, kung nais ninyo ng simple at maikling e-mail address, mag-sign-up na sa libreng e-mail ng Tinig.com na inihahatid sa pakikipagtulungan sa Everyone.net.

Inaanyayahan namin kayong maging palagiang panauhin at contributor ng Tinig.com.

Maraming salamat,
Ederic

http://www.tinig.com/v1/patnugot.html