Naiwan sa Japan ang batang si Noriko Calderon matapos i-deport ng gobyernong Hapon pabalik sa Pilipinas ang kanyang mga magulang. Dahil sa bansang Hapon na ipinanganak at lumaki, Nihonggo ang tanging wika ni Noriko. Gusto sana ng mag-asawang Arlan at Sarah na manatili kasama ang kanilang anak, ngunit di sila pinahintulutan.

Pero wari’y di lang si Noriko ang di na makaintindi at makapagsalita ng wikang ginagamit sa lupain ng kanyang mga magulang. Sa interview ng mga reporter sa mag-asawa pagdating nila sa Pilipinas, sinabi ni Arlan, 36, na di na siya marunong mag-Tagalog: “Hindi na ako nakakaintindi ng Tagalog,” sabi niya sa wikang Nihonggo. “Sa 13 taong pagtira ko sa Japan, maraming mga bagay akong natutunan. Puro mga Hapones ang mga kaibigan ko.”

Ikinagulat ng marami ang pahayag na ito ni Arlan. Di sila makapaniwalang posible ito. Sa mga diskusyon sa Internet, may mga nagsasabing nagkukunwari lang ang lalaki. Nililinaw naman ng iba na nangyayari talaga ang penomenang ito na kung tawagin ay first language attrition.

Ngunit totoo man o hindi ang sinasabi ni Arlan, at kahit di pag-usapan ang usapin ng wika, makikitang wala na talagang intensyong manirahan pa sa Pilipinas ang mga Calderon. Ilegal silang pumasok sa Japan at nang pababalikin na sa Pilipinas ay sumuong sa labanang legal alang-alang kay Noriko. Hindi na rin nila tinuruan ng kahit kaunting Tagalog (taga-Tondo raw sila bago mag-Japan) o English si Noriko. Kumbaga, ang pinaghandaan na nila ay ang buhay sa Japan.

Hindi na kailangang ipaliwanag na dahil sa hirap ng buhay at kakulangan ng oportunidad sa Pilipinas ay kinakailangang mag-abroad ang maraming Pilipino. Ang iba ay umaaalis para kumita, ngunit bumabalik pa naman sa Pilipinas para makapiling ang mga mahal sa buhay. Pero may mga umaaalis para tuluyan nang manirahan kasama ang kanilang pamilya sa ibang bayan. Kabilang sa huli ang mga Calderon. Tila nga sa pagmamadali nilang makaalis sa Pilipinas ay hindi na sila nagtiyagang dumaan sa legal na proseso.

Nakakalungkot na may mga kababayan tayong nagdedesisyong gumawa ng ganito — kapit sa patalim kumbaga. Ngunit di lang sila ang nasusugatan sa pagkapit sa patalim. Tumutulong din silang masarhan ang pinto ng oportunidad sa Japan at iba pang mga bansa para ibang Pilipinong willing namang dumaan sa legal na pamamaraan. Dahil sa mga nagti-TnT, nagiging mahigpit ang mga embahada. Pati iyong mga gusto lamang bumisita o mag-aral sa ibang bansa, nadadamay dahil sa ginawa ng mga pumupuslit. Ang nangyari sa mga Calderon ay nagsisilbing aral sa mga nagbabalak ding gumawa ng ganito.

Dapat tulungan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga Calderon upang muli silang makatira sa Japan alang-alang kay Noriko, at pati na rin sa ibang mga Pilipino. Ang resources na gagamitin ng gobyerno para sa mga Calderon, kung mapipilitan silang manatili rito, at sa iba pa mamamayang wala rito ang puso ay maaari pang gugulin para sa Pilipinong handang magtiis at di tatakas sa hirap at sarap ng pagiging Pilipinong nasa Pilipinas.

(Pinoy Gazette)