Wala na yatang makapipigil kay House Speaker Prospero Nograles at sa iba pang maka-Gloriang alipores sa kanilang pagnanais na mabago ang ating Konstitusyon. Habang isinusulat ito, nasa balita na ihahain na sa plenaryo ng House of Representatives ang isang resolusyong naglalayong palitan ang ilang economic provisions ng Saligang Batas ng 1987. Nai-file na rin ang isa pang resolusyon na nananawagang magtipon ang Kongreso upang pag-usapan ang cha-cha.
Parehong hindi katanggap-tanggap ang dalawang resolusyon.
Ang una, ang HR 737, ay naglalayong alisin ang mga makabayang probisyong nagbabawal sa mga dayuhan na maging may-ari ng mga lupain at korporasyon sa Pilipinas. Kapag nagtagumpay ito, mawawala ang proteksyon ng Konstitusyon sa posibleng pang-aabuso ng mga dayuhan sa mga resources ng bansa. Bilang isang dating kolonya ng mga makapangyarihang bansa, sadyang kailangan ng Pilipinas ng ganitong proteksyon. Ang kasalukuyan nating kalagayan at ang ating kultura ay nagbibigay ng sobrang bentahe sa mga dayuhan. Kapag nawala ang protectionist provisions, para na rin nating binuksan ang ating bahay sa mga posibleng magnanakaw at manggagahasa.
Ang ikalawang probisyon, HR 1109, ay bubuo sa constituent assembly, na maglalagay sa ating Konstitusyon sa kamay ng mga kasalukuyang kongresista. Para sa marami, hindi ito ang katanggap-tanggap na paraan ng pagbabago ng Konstitusyon. Bakit natin ipagkakatiwala ang pinakamahalagang kasulatan ng bansa sa mga taong may mga interes at political career na pinoprotektahan?
Ayon sa isang bagong survey ng Social Weather Stations, dalawa sa tatlong Pilipino ang tutol sa pagbabago sa Konstitusyon na magpapalawig sa termino sa Malakanyang ni Gloria Macapagal-Arroyo. Kaya naman di magkandatuto sina Nograles sa pangungumbinsi sa taong bayan na tanging ang economic provisions lamang ang kanilang babaguhin — na para bang kailangan ngang gawin ito.
Pero alam nating ang karamihan sa kasalukuyang House of Representatives ay kakampi at lakas ng administrasyong Arroyo. Di nga ba’t magsasanib pa raw ang mga partidong Kampi at Lakas, na sa di maipaliwanag na pangyayari ay parehong pinamumunuan ng iisang tao lamang — si Gloria. Ang kasalukuyang kapulungan ay kinabibilangan ng dalawa niyang anak at isang bayaw.
Masisisi ba natin ang mga mamamayan kung tumutol silang ipagkatiwala ang Saligang Batas sa mga kaalyado ng isang kandidatong “nagprotekta” sa kanyang boto sa pamamagitan ng pagtawag sa isang Comelec commissioner upang itanong kung lalamang pa siya ng mahigit sa isang milyon? Masisisi ba natin ang mga tao kung matakot sila sa mga balak ng mga kakampi ng pangulong “nagpahalaga” sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pagpupugay kay Heneral Jovito Palparan?
Kapag sinabi nina Nograles na wala silang balak pakialaman ang mga probisyon sa term limits, magtataka pa ba tayo kung walang maniniwala sa kanila?
Ah, tila may makapipigil sa chacha nina Nograles at iba pang alipores — ang lakas ng sambayanang sa kasinungalingan at kabalintunaa’y sobra na ang pagkainis!
(Pinoy Gazette)