Nanariwa ang pagkadismaya ko sa rehimeng Estrada at sa mga kakampi nitong senador na nagpasa sa Visiting Forces Agreement noong Mayo 27, 1999 nang mapanood ko sa telebisyon kamakailan ang marahas na pagbuwag ng mga pulis sa isang anti-VFA rally sa may US embassy.

Natikman ko ang lupit ng tear gas sa isa ring anti-VFA rally sa harap ng US embassy sa Maynila noong estudyante pa ako. Naroon ako para i-cover ito para sa Philippine Collegian, ang pahayagan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Kung tama ang pagkakaalala ko, nalusutan namin ang mga pulis at nagawa naming makalapit sa mismong harapan ng embahada.

Pero mukhang sadyang sinanay ang ating security forces upang ipangtanggol ang mga dayuhan laban sa abalang idudulot ng maingay ngunit makatuwiran at mapayapang pambabatikos ng mga Pilipino. Nang nasa tapat na kami ng embahada, sinalubong kami ng mga pamalo at shield ng mga pulis. Medyo nasa gitna ako ng may ilandaang mga kasama mula sa UP at iba pang paaralan sa Kamaynilaan, kaya’t hindi ako nahagip ng mga hataw. Pero may isang lider ng grupo na nakita kong duguan ang noo — malamang ay nahampas siya ng panangga ng mga pulis.

Maya-maya pa ay humapdi ang mga mata ko at di ko mapigilan ang maluha. Yun na pala ang tear gas. Tineargas kami ng mga pulis dahil sa pagpunta namin sa US embassy para tutulan ang VFA.

Galit na galit ako noon. Iniisip ko kung bakit pinipigilan ang pagpapahayag ng mga kabataan ng pagtutol sa isang di-pantay na kasunduang inaayawan ng halos lahat ng sektor ng lipunan, kabilang ang mga kababaihan, simbahan, at environmentalists?

Ang VFA ay isang kasunduan sa pagitan ng mga gobyerno ng Pilipinas at Estados Unidos na nagsasaad ng mga alituntunin sa “pagbisita” sa Pilipinas ng mga sundalong Kano para magdaos ng mga pagsasanay pangmilitar kasama ang mga sundalong Pinoy.

Mula noong Setyembre 16, 1991, nang ipahinto ng Senado, sa pangunguna ng mga makabayang senador gaya nina Jovito Salonga at Bobby Tanada, ang base militar ng Kano sa bansa, ang dalawang gobyerno’y naghanap na ng paraan para mailusot ang matagalang pagtambay ng mga GIs dito. Ang VFA ang naging katuparan nito.

Muling nabubuhay ang anti-VFA movement dahil ang kasunduang ito ang ginagamit ngayong dahilan ng gobyerno para manatili sa custody ng US embassy si Daniel Smith, isang sundalong Kano na nahatulang guilty sa korte sa kasong panggagahasa sa isang Pilipina.

Bukod pa rito, ang dapat ay “visit” lamang, nagiging permanenteng pagbabase na ng mga sundalong kano sa Mindanao, ayon sa ilang congressman.

Bago pa man ito aprubahan ng Senado noon, paulit-ulit nang sinabi ng mga tumututol dito na ang VFA ay isang di-pantay na kasunduang pumababor sa mga dayuhan at maaaring abusuhin. Ngayon, tinatamasa na natin ang bunga ng pagbibingi-bingihan ng Senadong nagpasa sa VFA.

Pero di pa huli ang lahat. Maaari pa nating hingin ang pagre-repeal sa unfair na kasunduang ito.

(Pinoy Gazette)