Na-interview ako kamakailan sa telebisyon tungkol sa online social networks. Tinanong ako kung kailan ito nagsimula sa Pilipinas at bakit ito pumatok sa mga Pilipino. Ipinaliwanag kong tayong mga Pinoy ay mahihilig sa mga koneksyon at sadyang masayahin at palakaibigan kaya’t agad nating tinangkilik ang Friendster nang dumating ito sa bansa noong 2003.
Ngayon, napakarami nang online social networks na maaaring salihan. Bukod sa Friendster, nariyan na rin ang Facebook at Yahoo! Profiles. Pwedeng mag-blog habang gumagawa ng mga koneksyon sa Multiply at MySpace. Microblogging naman ang maaaring atupagin sa Twitter, Jaiku at Tumbler. Ganyan din — at may bonus pang chikahan, pati chismisan — sa Plurk. Maaaring mag-share ng videos sa YouTube at Yahoo! Videos at mga larawan sa Flickr at Google Picasa. Para sa bloggers naman, uso ang MyBlogLog, Blog Catalog, at Entrecard.
Noong bago pa lang ang Internet, umiikot ang cyberlife ng mga tao sa pagbisita sa mga website sa World Wide Web; pagpapadala at pagtanggap ng email (gaya ng MailCity, Hotmail, at Yahoo!, Hotmail — at kalaunan, GMail); pagsali sa message boards (tulad ng PinoyExchange) o forums at egroups (gaya ng Bobong Pinoy list ni Bob Ong); at pakikipag-chat (sa mIRC noong una, hanggang sa nauso na ang instant messaging gaya ng ICQ, Yahoo! Messenger, at GTalk.
Ngayong mas marami nang venue para sa online interaction, mas lumalaki na rin ang pagkakataong makahanap ng mga kaibigan sa Internet. Ngunit kahit enjoy ito, laging mag-ingat.
Sa cyberspace, maaari nating gawing kahit sino ang ating sarili. Kaya nating magkunwaring isang taong di naman tayo, at ito ang katauhang maaari nating iharap sa iba. Ang ganitong gawain ay kadalasang nagdudulot ng pagkadismaya sa oras ng pagtatagpo sa tunay na mundo.
Maaaring hindi pala ako isang santo gaya ng personalidad na ipinakita ko at siyang naging kaibigan mo sa Internet. Maaaring may gawin akong hindi maganda o katanggap-tanggap sa ‘yo kapag nagkita na tayo.
At kahit bago pa man ang eyeball (EB), puwede nang magkasaksakan sa likod. May kaibigan akong maraming cyberfriends. Minsan, may ginawa siyang sa tingin ng iba ay di tama at nakakahiya. Laking gulat niya nang pati ang ilang mga inakala niyang kaibigan niya, kahit sa Internet lang niya nakakatalastasan, ay nakisali sa pagtuligsa at pagkutya sa kanya ng iba nang di man lamang siya tinanong o kinausap tungkol sa isyu laban sa kanya!
Masaya at puno ng adventures at mga bagong bagay ang buhay online, lalo na sa panahong ito ng kawing-kawing na buhay sa social networks. Ngunit minsan, ang World Wide Web ay maaaring maging sapot ng kabiguan.
(Pinoy Gazette)
Hello Ederic Eder!
Napagawi ako sa banda rito kungsaan ang isang kagila-gilalas na ginoo ay nagsusulat ng mga opinyong panlipunan.
Hindi ko makakaila na ikaw na nga – oo, ikaw nga ang ederic eder na nakasama ko sa Philippine Collegian noong 1997.
Ewan ko lamang kung ako’y kanya pang natatandaan.
Ngunit, kung hindi man mamarapatin ng tadhana na iyong matandaan, baka puede rin akong makipagkaibigan sa iyo dito sa Internet.
Hindi naman siguro kalabisan na muli kitang makaulayaw dito sa mundo ng titik at salita sa cyberspace.
Nagmamahal,
Charo, este, JC
hehehehe.
Hello Ederic Eder!
Napagawi ako sa banda rito kungsaan ang isang kagila-gilalas na ginoo ay nagsusulat ng mga opinyong panlipunan.
Hindi ko makakaila na ikaw na nga – oo, ikaw nga ang ederic eder na nakasama ko sa Philippine Collegian noong 1997.
Ewan ko lamang kung ako’y kanya pang natatandaan.
Ngunit, kung hindi man mamarapatin ng tadhana na iyong matandaan, baka puede rin akong makipagkaibigan sa iyo dito sa Internet.
Hindi naman siguro kalabisan na muli kitang makaulayaw dito sa mundo ng titik at salita sa cyberspace.
Nagmamahal,
Charo, este, JC
hehehehe.