Isa ako sa maraming Pilipinong nagpuyat noong Enero 20 para mapanood sa telebisyon at sa Internet ang inauguration ng ika-44 na pangulo ng Estados Unidos na si Barack Obama.
Ang unang naging laman ng mga balita bago pa man magsimula ang programa ay ang pagdagsa ng napakaraming tao sa US Capitol sa Washington, DC. Kahit napakalamig noong araw na iyon, isa hanggang dalawang milyon ang dumalo para saksihan ang inauguration.
Hindi na bago sa ating mga Pilipino ang ganyang mga pagtitipon ng napakaraming tao para sa mga makasaysayang okasyon. Sinasabing noong 1995, umabot sa tatlong milyon ang sumama kay Pope John Paul II sa Luneta nang bumisita siya sa Pilipinas para sa World Youth Day. At siyempre, ang dalawang EDSA Revolts.
May mga pagkakahawig nga ang inauguration ni Obama sa dalawang EDSA. Una kong napansin ang parang pistang environment. Masaya ang mga tao at may mga dala o suot pang Obama memorabilia. Noong People Power 2, kahit nagrerebolusyon ay masaya rin ang mga tao at nagkalat ang mga Erap-Resign items. Mas matindi ang tensyon noong EDSA 1 dahil sa mga tangke, pero base sa mga nabasa ko’y may mga nagkakasiyahan at nagkakantahan din daw noon.
Enero 20 ginanap ang inauguration ni Obama. Enero 20 rin — walong taon na ang nakalilipas — ang EDSA 2 na matagumpay na nagpatalsik kay Joseph Estrada, ngunit sa kasamaang palad ay nagluklok din kay Gloria Macapagal-Arroyo sa puwesto.
Milyong tao ang nagtipun-tipon sa US Capitol para pakinggan ang magandang balita ng pagbabago ayon kay Obama; tulad din ng mga pumunta noon sa Luneta para kay Cory — at sa EDSA, para sa pagbabago at kalayaan. Nakadilaw si US First Lady Michelle Obama, tulad ng dilaw na kulay ng mga damit noon ni Cory. Paalis na sa White House si Bush upang harapin ang hatol ng kasaysayan, tulad ng pagtalilis ng diktador na si Ferdinand Marcos upang matakasan ang hatol ng sambayanang Pilipino.
Sinisimulan na nang unti-unti ni Obama ang kanyang mga pangako. Naglabas ng mga kautusang babaliktad sa malihim na polisiya ng nakalipas na rehimen. Binabago na rin niya ang kontra-terorismong kampanyang walang pakundangan sa karapatang pantao. Maging si Fidel Castro ng sosyalistang Cuba ay tila kumbinsido sa sinseridad ni Obama, kahit sa tingin niya’y maaaring talunin din si Obama ng sistema ng imperyalistang US.
Anuman ang kahihinatnan ng administrasyong Obama, ang pagtatagumpay niya’y masasabing isang anyo ng People Power — EDSA, US-style — sa loob ng proseso ng eleksyong walang “Hello, Garci!”. Ang nagawa natin noong 1986 at 2001, sana ay magawa rin natin sa 2010. Kayang-kaya kaya natin?
(Pinoy Gazette)