May kasabihang po tayong “ang punong hitik sa bunga, laging binabato.”

Parang si Chief Justice Reynato Puno, hitik sa accomplishment at paghanga ng mga Pilipino. Kaya ayon, binabato ng ilang ambisyoso. Umugong nitong mga nakalipas na araw ang bali-balitang sasampahan siya ng impeachment case sa House of Representatives. Pinigilan daw kasi niya ang pagbababa ng hatol sa isang disqualification case laban sa isang kongresista. Pero kapag sinuri ang totoong nangyari, lalabas na ang Supreme Court en banc pala, at di lang si Puno, ang nagdesisyong ipagpatuloy ang deliberasyon sa kaso, at ang aksyong ito’y para pa rin sa interes ng publiko.

Sinalubong ng batikos at protesta ang napabalitang planong i-impeach si CJ Puno. Umangal ang mga aktibista. Na-bad trip ang mga huwes at empleyado sa trial courts. Kumontra din ang ilang mga mambabatas. Nagpahayag ng suporta ang mga abogado. Nagdasal ang running priest na si Fr. Robert Reyes. Nagbigay ng manifesto ng pagsuporta ang mga magsasaka.

Bakit tila buong bansa ay nabulabog at nangamba sa posibilidad na mapatalsik sa puwesto ang punong mahistrado?

At bakit hindi? Sa madilim na panahong itong ang Pilipinas ay binabalot ng mga kabalintunaan gaya ng pagkakaroon ng pekeng pangulo, pag-iral ng department of (in)justice, at malawakang paggamit ng Doublespeak sa Palasyo, si Chief Justice Reynato Puno ay tila sinag ng liwanag na naghahatid ng pag-asa at katotohanan. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, aktibong kumilos ang Supreme Court upang pairalan ang batas at protektahan ang karapatan ng mga mamamayan.

Sa pinakabagong kolum ni Prof. Luis Teodoro (www.luisteodoro.com), inisa-isa niya ang mga ginawa ni Puno bilang puno ng Kataastaasang Hukuman:

  • ang paglikha ng special courts for extra-judicial killings at ang pagpapatawag ni Puno ang National Consultative Summit on Extrajudicial Killings and Enforced Disappearances, na nagbunga ng writ of amparo — na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga korte na maglabas ng mga kautusang magbibigay ng proteksyon sa mga mamamayang may pagtatangka mula sa mga ahente ng estado.
  • isinulong din ni Puno ang transparency sa gobyerno — sumalungat siya sa majority SC decision na pumayag na gamitin ni Romulo Neri ang executive privilege sa NBN-ZTE controversy
  • tagapagtaguyod din si Puno ng free expression at  press freedom, at ang kanyang mga pahayag ay nagbibigay ng karagdagang lakas sa mga tagapagtanggol nito.

Malapit na ang 2010. Malapit na rin dapat ang pagwawakas ng termino ni Gng. Arroyo, pero puwede pa siyang humirit kung mapapalitan ang Konstitusyon. At siguradong tututulan ni Puno ang mga tangkang salaulain ang Saligang Batas para sa mga pansariling ambisyon. Hindi nakapagtatakang binabato si Puno ngayon, marahil ay ng mga nagnanais na lumawig pa ang rehimeng Arroyo.

Ngunit mapalad si Chief Justice Puno — ang respeto, pasasalamat at paghanga sa kanya ng publiko ay tila amparo (proteksyon) na sumasalo sa mga batong ipinupukol sa kanya.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment