“O pagsintang labis ng kapangyarihan
sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw!
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat, masunod ka lamang!”

— Francisco Balagtas sa “Florante at Laura”

Ngayong Pebrerong itinuturing na buwan ng mga puso, hayaan ninyong ibahagi ko ang isang kuwento ng paghamak sa lahat, masundan lamang ang minamahal. Hango ang kuwentong ito sa tunay na buhay. Sadya kong pinalitan ang ilang detalye upang maitago ang pagkakakilanlan ng mga nasa kuwento.

Limang buwan nang magkasintahan sina Jimmy at Joni nang magpasya ang babaeng makipagsapalaran sa ibayong dagat upang makatulong sa kanyang pamilya. Tulad ng kuwento ng napakarami nating mga kababayang OFW, kinailangang lumayo ni Joni para sa kanyang mga mahal sa buhay. Sa kanyang palagay, mas gagaan ang buhay ng kanyang pamilya kung sa abroad siya magtatrabaho.

Si Jimmy naman ay isang seryosong tao. Mahal niya si Joni, at nais sana niyang ang babae na ang makatuluyan. Ngunit gaya ni Joni, nagbabalak din siyang maghanap-buhay sa ibang bansa. Sa Middle East pumunta si Joni, ngunit Amerika naman ang target ni Jimmy.

Alang-alang sa kanyang pag-ibig kay Joni, binago ni Jimmy ang kanyang balak. Kahit may alinlangan ang kanyang mga magulang at mga kaibigan sa kanyang balak, sumunod si Jimmy kay Joni. Wala pang siguradong trabaho si Jimmy sa bansang pinuntahan ni Joni.

Sa airport pa lang, parang ihinatid na ng malas si Jimmy. Nagduda ang immigration officer sa kanyang pag-alis. Bakit daw siya magtuturista sa bansang kanyang pupuntahan? Nais ba niyang tumunganga lamang sa buhangin doon? Ngunit ang pamimilosopo at pang-aano pala ng officer ay style lamang para mabigyan ng padulas. Walang nagawa si Jimmy kundi abutan ng pera ang officer. Pero sosyal si manong ⁠— ang gusto niya ay dolyar. Bumigay naman ang kawawang si Jimmy.

Sa kanyang connecting flight, muntik nang maiwan ng biyahe si Jimmy. Ang kaibigan kasing nakasabay niya sa biyahe, nagpahintay sa kanya. Hindi niya alam, nauna na palang nakasakay si mokong, at di man lamang siya nasabihan!

Pagdating sa disyerto, masayang nagkita sina Jimmy at Joni. Sa wakas ay magkasama na silang muli. Subalit tila minamalas talaga si Jimmy. Nahirapan siyang makakuha ng matinong trabaho. Lalo pa siyang nanlumo nang itago sa kanya ni Joni na may kababayan silang nanliligaw sa kanyang katipan. Nang kumprontahin ni Jimmy ang babae, ang sagot niya’y mabait daw ang isa pang lalaki!

Naayos nila ang gusot na ito, ngunit kalauna’y kinailangan nang umuwi ni Jimmy sa Pilipinas. Naiwan naman sa ibang bansa si Joni. Puno ng pag-asa ang dalawang muli silang magkakasama kapag umuwi na rin ang babae.

Pagdating sa ating bayan, sinalubong ng suwerte si Jimmy. Agad siyang nakakuha ng trabaho, ngunit sa malayong lugar siya nadestino. Sa liblib na lugar na iyo’y walang signal ng telepono at hindi pa uso ang Internet. Sa halos kalahating taon niya roon, iilang beses silang nagkausap ni Joni. May mga pagkakataong tinatawagan niya ang babae, ngunit lagi itong hindi makontak.

Pagbalik ni Jimmy sa kabihasnan, ginulat siya ng mga balita ng kanyang mga kaibigan. Nakita raw nila sa Internet ang mga larawan ni Joni na may kasamang ibang lalaki. Nagba-blog na pala si Joni. Sa mga larawang nakapaskil sa kanyang blog, kitang-kitang enjoy na enjoy siya kasama ang isang bagong lalaki!

Nanlumo si Jimmy. Sinubukan niya muling kontakin si Joni, ngunit tila nagsara na ang babae ng linya sa kanya. Hindi rin sinasagot ng babae ang mga comment ni Jimmy sa kanyang blog.

Sa ngayon, tuloy pa rin ang buhay ni Jimmy. Sa buwang ito, tila may bagong pag-ibig sa sisibol sa kanyang buhay. Ang hiling lang niya ngayon, huwag nang maulit ang dating nangyari.

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center