Matapos ang may siyam na taon, muling tumuntong sa Malacanang ang pinatalsik na Pangulong Joseph Estrada. Pumunta siya roon bilang dating pangulo, na awtomatikong kasapi ng National Security Council.
Sa ilang mga larawan, makikitang magkatabi sila ni Gloria Macapagal-Arroyo at nasa itaas nila ang sagisag ng pangulo ng Pilipinas. Kapag tiningnan mo ang larawan, sa isang iglap ay wari’y di lumipas ang siyam na taon. Babalik ka sa panahong si Erap pa ang pangulo at si Gloria ang kanyang bise-presidente.
Nang mapatalsik si Erap noong katanghalian ng Enero 20 siyam na taon na ang nakalilipas, ikinagalak ng marami ang pagwawakas ng tiwali at palpak na rehimen. Inasahan nating tapos na ang ilegal na jueteng. Inakala nating tapos na ang panunupil sa media. Nag-expect tayong tapos na rin ang paggamit ng kapangyarihan para sa pansariling kapakinabangan.
Cute pa si Gloria noong pagkatapos ng EDSA 2. Kaakit-akit ang mga pangako niya ng paglaban sa kahirapan , mabuting pamamahala, leadership by example, at bagong politika. Kaya naman sinalubong natin ang inakala nating bagong umaga. Pero naging biktima tayo ng maling akala.
Kung tutuusin, maraming naipamalas at naituro sa atin ang nakalipas na siyam na taon. Nakita nating naging little drummer girl ni US President Bush sa Asya ang ating pangulong atat na atat sa pandirigma sa Afghanistan at Iraq. Napatunayan nating totoong may mga “small but terrible.” Kaliit-liit na tao, pero terible talaga! Nalaman din nating hindi laging totoong “kapag may itinanim, may aanihin.” Kasi puwede ring mamatay yung halaman kapag di nalagyan ng abono — kinupit na kasi ni Jocjoc ang pambili nito! Natutunan din nating di lamang Nutroplex o Cherifer ang nakapagpapataas. Puwede rin tayong pataasin ni Virgilio nang lagpas 1M! Hello Garci!
Siyempre may mga magsasabing nakita rin nilang di totoong “ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.” Pero kokontra tiyak ang iba at sasabihing mag-asawa talaga ang sinungaling at magnanakaw. Yung iba naman, siguradong ipagpipilitang ang sinungaling at magnanakaw ay iisang tao lang naman talaga. Bahala silang magkagulo, basta natutunan kong ang matapat ay di umaayaw, pero ang sinungaling ang nagwawagi!
Sa loob ng siyam na taon, hindi tayo nakahakbang pasulong. Nagmartsa lang tayo sa ating kinatatayuan. Para tayong nabiktima ng time-space warp ni Fuuma Lear.
Pagkalipas ng siyam na taon, pareho pa rin ang ating kalaban: katiwaliang umaabot at nagmumula sa Malacanang. Pangulong isinusuka ng sambayanan. Mamamayang wala nang tiwala sa pamahalaan.
Si Gloria ang bagong Erap. Sa Mayo, may pagkakataon tayo para wakasan ang nakalipas na siyam na taon ng kawalan ng patutunguhan. Huwag sana tayong pumili ng isa pang Gloria.
(Pinoy Gazette)