Tila paputok ng Bagong Taong sumabog sa Internet ang balita ng pambubugbog ni Masiu, Lanao del Sur Mayor Nasser Pangandaman sa mag-amang kapwa niya kasapi ng isang golf club sa Antipolo City. Lalong lumaki ang isyu dahil si Nasser Jr ay anak ng isang cabinet secretary ni Gloria Arroyo.
Nakarating naman sa Pilipinas ang pagbubunyi sa Amerika nang manumpa si Barack Obama bilang ika-44 at kauna-unahang African-American US president.
Pagsapit ng Marso, makabayang musika at kasuotan at pagmamalaki sa ating pagiging Pilipino ang mga pamanang iniwan ni Francis Magalona. Nagbigay-pugay rin sa kanya ang Eraserheads at ang may sandaang libong tagahangang dumalo sa Final Set reunion concert ng banda. Namaalam din ngayong taon ang King of Pop na si Michael Jackson.
Abril nang magpakasal ang Young Superstar na si Judy Ann Santos at ang kasintahang si Ryan Agoncillo. Ngayong taon din pinakasalan ni Senador Mar Roxas ang TV broadcaster na si Korina Sanchez. Nagpakamatay naman ang asawa ni Ted Failon.
Pinatumba ni Manny Pacquiao sina Oscar de la Hoya at Miguel Cotto, at nalagay pa siya sa cover ng TIME Asia. Pero napaulat din ang pakikipagrelasyon daw ng Pambansang Kamao sa starlet na si Krista Ranillo, na ikinagalit ng Team Jinkee.
Kamalat sa Internet ang sex videos ni Hayden Kho habang katalik ang iba’t ibang babae, samantalang binastos naman ng mga congressman ang sambayanang Pilipino nang aprubahan nila ang bill na nagsusulong ng constitutional assembly. Nagpakabundat naman si Arroyo at mga katropa niyang mambabatas sa Le Cirque restaurant — umabot sa isang milyong piso ang bill nila.
Unang araw ng Agosto nang igupo ng colon cancer si dating Pangulong Cory Aquino. Ngunit sa kanyang pagpanaw ay nanatili siyang buhay. Sa mga araw ng kanyang burol, siya lamang ang pangulo at reyna — ang pekeng pangulo ay nasa US noon. Sa kanyang libing, muling namalas ng mundo na buhay pa ang People Power sa Pilipinas.
Sa paglisan ni Cory, lalong nangulila ang mga Pilipino sa malinis at tapat na pamamahala. Lumakas ang panawagang Noynoy for President. Gusto ng mga tao na tumakbo sa pagkapangulo ang tagapagmana nina Ninoy at Cory. Kandidato na siya ngayon, at suportado nina Dingdong Dantes at Marian Rivera – ang bagong Darna.
Sa kainitan ng Noynoy fever, dumating si Bagyong Ondoy. Inilubog niya sa baha ang malaking bahagi ng Kamaynilaan at kinitil ang mahigit 400 katao. Ang bagyong Pepeng naman ang nanalasa sa hilagang Luzon. Sa gitna ng trahedya, kinilala ang kabayanihan ni Muelmar Magallanes, na namatay habang nagliligtas ng mga kapit-bahay.
Pinarangalan naman noong Nobyembre 22 bilang 2009 CNN Hero of the Year ang guro sa kariton na si Efren Peñaflorida. Nasa gitna ng pagbubunyi ang Pilipinas nang maganap ang Ampatuan Massacre, na kumitil sa mahigit 50 katao na kinabibilangan ng may 30 mamamahayag, mga babaeng abogado, at mga babaeng kapatid at mga tagasuporta ni Esmael Magudadatu, na magiging karibal sa puwesto ng mga Ampatuan ng Maguindanao.
Dahil sa banta raw ng karahasan ng private army ng mga Ampatuan, sinabi ni Arroyo na may nagaganap na rebelyon kaya siya nagdeklara ng batas military sa lalawigan. Inabot ng isang linggo ang martial law bago ito binawi sa gitna ng malawakang pagtutol.
Habang isinusulat ito, nagbabantang sumabog ang Bulkang Mayon. Tila sa mapanganib na pagsabog magtatapos ang 2009 sa Pilipinas.
(Pinoy Gazette)