Kapag nanonood tayo ng sine, ano ang inaasahan natin? Nais nating matawa, matakot, maiyak, o kiligin. Gusto nating makita ang mga paborito nating artista. Minsan, gusto rin natin mapaisip, kaya’t pinipili natin ang “malalalim” na pelikula. Pero kadalasan, ang nais lang natin ay malibang. Bagama’t noong bata tayo’y lagi tayong tinatanong kung ano ang aral ng kuwento, kadalasa’y hindi na natin ito hinahanap ngayon, ‘di ba?
Pero minsan, may mga pelikulang pinagbibigyan na tayo sa pagnanais nating maaliw at makita ang mga idolo, nag-iiwan pa ng aral ng buhay na kahit alam na natin ay makabubuti ring paminsan-minsan ay ipaalala sa atin.
Gaya halimbawa ng pagkakaroon natin sa tuwina ng pagkakataong mamili sa pagitan ng pagiging mabuti at pagiging masama. Sa bawat sangandaang ating maraanan, nasa atin ang tsansang tahakin ang daang nais natin. Isa ito sa mga aral na ipinaaalala ng Spider-Man 3, na kung sa usapin naman ng pagiging mahusay na pelikula ay ’di rin pahuhuli.
“Whatever comes our way, whatever battle we have raging inside us, we always have a choice. My friend Harry taught me that. He chose to be the best of himself. It’s the choices that make us who we are, and we can always choose to do what’s right,” wika ng pangunahing tauhang si Peter Parker o Spider-man, na ginampanan ni Tobey Maguire.
Sa huli kasi, ang best friend niyang si Harry Osborn (James Franco), na kahit na natamnan ng galit at paghihiganti sa kalooban dahil sa pag-aakalang si Spider-man ang pumatay sa kontrabida niyang tatay, ay nagpasyang gamitin ang namanang kapangyarihan upang tulungan si Spider-man sa pagliligtas sa minamahal nilang si Mary Jane Watson (Kirsten Dunst) mula sa mga kalaban. Namatay pa nga si Harry dahil sa iniligtas niya rin si Spider-man mula sa pamatay na atake ng kalaban.
Ang pagpapatawad at pagtanggi sa paghihiganti ay ipinaaalala rin ng Spider-Man 3. Wika ni Aunt May kay Peter nang magkaletse-letse ang buhay nitong huli dahil sa mga pagkakamali niyang dala ng parasite na kumapit sa kanya: “You start by doing the hardest thing, you forgive yourself.”
‘Di nga ba’t sa anumang aspeto ng ating buhay — sa mga relationship, sa pamilya, sa pakikipagkaibigan, sa trabaho — nakagagawa tayo ng mga pagkakamali? Kadalasan, naaadik tayo sa kamalian at nahihirapang magsimulang muli. Pati paghingi ng tawad sa Kanya, mahirap. Pero kung sisimulan sa pagpapatawad sa sarili, mukhang mas gagaan nga ang muling pagsasaayos sa mga bagay-bagay.
May nabasa akong hindi raw Kristiyano ang ganyang kaisipan. Siguro’y dahil sa itinuturo ng Kristiyanong pananampalataya na ang Diyos lamang ang maaaring magpatawad at umayos ng lahat. Pero itinuturo rin naman ng ating katutubong kasabihan na nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Di ba’t mas maganda kung gawin natin ang paglilinis sa mga kalat sa sarili natin, at saka dudulog tayo sa Panginoon upang magbalik-loob sa Kanya?
“Uncle Ben wouldn’t want us living with revenge in our hearts, it’s like a poison. It can take us over and turn us into something ugly,” si Aunt May ulit ang nagsabi niyan, nang ibalita sa kanya ni Peter na napatay na ni Spider-Man ang pumaslang sa kanyang asawa. Kapag puno ng paghihiganti ang ating puso, makakagawa tayo ng kung anu-anong hindi maganda. Isa pa, delikado ‘yan — nakaka-high blood!
Ikaapat na linggo na ng pagpapalabas ng Spider-Man 3 sa Kamayanilaan nang mapanood namin ito. Marami pa rin ang nanood. Sana marami rin ang natuwa at nalibang, at marami ang napaalalahanan.