Noong nasa high school pa ako, gaya ng karaniwang teenager ay ninais ko ring mapabilang sa isang grupo o barkada. ‘Yun bang mga kasangga, kasama sa pagtambay at sa pag-aaral na rin. Lahat yata ng mga kabataan ay ganyan. Naghahanap ng “belongingness” o pagiging kabahagi ng isang grupo.

Minsan, naiisip ko ngayon na kung tutuusin, dapat ay mayabang ako noong high school. Kahit kasi pinagkaitan ako ng kaguwapuhan, ako naman ang nangunguna pagdating sa academics. Pero sadyang kapag high school, tila mas sikat talaga ang mga may hitsura at aktibo sa sports. Kahit pa magaling ka at aktibo rin naman sa extracurricular activities, negative pogi points talaga kapag di ka pogi.

Pero di man ako ganoon ka-popular noong high school, may ilan din naman akong mga kaibigan at kabarkadang naging kasama sa adventures at misadventures noong high school.

Si Rodel ay lumipat pa mula sa kabilang school para raw kalabanin ako. Pero paglipat niya sa amin, naging best friends kami. Magkaiba man ang relihiyon, nagkasundo kami. Hindi ko alam kung dahil sa transferee o pogi, maraming chicks ang nahumaling sa kaibigan kong ito. Siyempre, nakisakay na lang ako sa kasikatan ng loko. Ewan ko lang kung bakit hindi ako nahawa sa kanyang karisma–basted din ang lagpak ko sa pinormahan kong campus queen.

Si Kuya Alidan naman ay second cousin ko, pero dahil kababata at kasabay kong lumaki ay parang magpinsang buo ang turingan namin. Siyempre, minsa’y hindi nawawala ang selosan at “cousin rivalry,” pero iba pa rin kapag bata pa’y magkasangga na kayo. Isa ako sa mga unang pinagkuwentuhan niya noong magkaroon ng mabigat na problema sa buhay pag-ibig, at siya ma’y alam ang listahan ng mga dalagitang aking nagustuhan.

Si Jonash, grade one pa lang ata kami, kabarkada ko na. Mahusay rin sa Math katulad ko, pero talbog ako sa galing niya sa pagguhit. Elementary pa lang kami, magkakabuntot na kami sa mga boy scout camping sa ibang barangay at iba pang mga gawin sa eskuwela.

Si Ave, may kaliitan pero matinik–isa sa mga unang nagkaasawa sa amin. Gaya ni Jonash, elementary pa lang kami ay kaklase at kasama-sama na namin kung saan-saan. Hiram ako nang hiram dati ng brick game niya.

Sina Arnold at Ramil ang iba pang kasama sa grupo namin. Makulit si Arnold pero tahimik naman si Ramil. Sa mga babae, pinakamalapit sa akin noong high school si Myra, at close rin kami nina Kuya Alidan at Rodel kay Edelyn.

Sila ‘yung mga taong may malawak na papel sa high school life ko.

Nitong nakalipas na mga linggo, nagbalak kami ng kitaan. Reunion kumbaga. Dahil sa hirap ng schedule, ilang beses itong na-postpone. Noong hindi na dapat matutuloy, bilang natuloy rin. Yun nga lang, kaming tatlo lang nina Rodel at Kuya Alidan ang nakapunta. Kasama ni Kuya Alidan si Ate Yolly V, maybahay niya na kaklase rin namin, at ang kanyang panganay na inaanak ko, si Jhica.

Habang nakukuwentuhan, kumain lang kami ng pizza at uminom ng tigdadalawang bote ng serbesa–yung sa akin, ipinainom ko pa ang isa kay Jay, housemate ko na pinsan namin ni Kuya Alidan. Matunog ang tawanan namin sa mga lumang kuwento ng mga paborito at kinaiinisang guro, mga kaklase, CAT at drum and bugle corps, mga nabuntis, mga nambasted, at iba pa.

Minsa’y sinabi sa akin ng isang mentor noong nasa kolehiyo pa ako, na pag tunay ang pagkakaibigan ay hindi ito niluluma ng panahon. You’ll pick up where you left off–or something to that effect. Kahit daw sampung taon kayong hindi magkita, sa muling pagsasama-sama’y parang parang kahapon lamang ang nakalipas. Totoo nga ang sinabi niya.

(Pinoy Gazette)

Related Works
6 Comments

Add comment