Kontrobersiyal ang desisyon ni Pangulong Noynoy Aquino na bumili ng “third-hand” luxury sports car na Porsche gamit ang personal niyang pera. Hati ang opinyon ng mga Pilipino. Para sa iba, ayos lang ang ginawa ni PNoy. Pero may mga bumatikos din sa kanya.

Ibinenta raw ni PNoy ang luma niyang BMW upang mabili ang awtong pangkarera. Hindi nga naman ilegal ang ginawa ng Pangulo dahil hindi naman galing sa kaban ng bayan ang ipinambili niya ng mamahaling kotse. Karapatan din naman niyang maglibang sa gitna ng nakakapagod na trabaho bilang pinuno ng bansa.

Kung tutuusin, mabuti na iyong kahit personal, hindi niya itinatago sa bayan ang mga ganitong transaksyon. Di gaya sa nakalipas na administrasyon, nalaman lamang ng mga tao ang pagbili ng pamilya ni Gloria Arroyo ng bahay sa Amerika noong may nagbunyag nito.

Sa kabilang banda, hindi rin magandang tingnan na ang lider ng isang mahirap na bansa ay mababalitaang bumili ng mamahaling sasakyan, lalo na sa panahong nakaamba at tiyak na darating ang pagtaas ng pamasahe sa taxi at MRT. “Insensitive,” wika nga ni Kabataan Partylist Rep. Mong Palatino.

Kakalabas din lang pala ng atas ng Pangulo na nagbabawal sa mga sangay ng pamahalaan na bumili at gumamit ng mga mamahaling sasakyan. Mas mabuti sanang isabuhay niya maging sa pansarili niyang buhay ang pagtitipid na ginagawa ng kanyang pamahalaan. Ang mga lingkod-bayan — lalo na ang nasa pinakamataas na posisyon — ay inaasahang mamuhay nang payak.

Samantala, ang isyung ito ay nagpapakita ng napakalawak na agwat sa katayuang panlipunan, kalagayang pinansiyal, at kultura’t paniniwala ng mga mayayamang lider ng bansa gaya ni PNoy at ng naghihikahos na mga mamamayang nasasakupan nila.

Para sa mga kasapi ng alta sociedad, normal lamang ang pagbili ng mga sasakyang gaya ng Porsche, kung paanong ang 20 libong pisong bag na Louis Vuitton ay bargain na para sa kanila. Bahagi na ng pang-araw-araw nilang buhay ang pagpapakabundat sa mga restawrang pati ginto ay isinasahog sa mga putahe. Baka nga para sa kanila, jologs pa ang dating ni PNoy dahil hindi brand new ang kinuha niya. Hinding-hindi nila maiintindihan kung ano ang ipinagpuputok ng butse ng marami sa Porsche ni Presidente.

Samantala, para sa mas nakararaming naghihirap na mamamayan, marangya at kalabisan ang kotseng nakakahalaga ng apat na milyong piso at ang mga pangala’y mahirap baybayin o bigkasin. Hinding-hindi nila maiintindihan kung bakit nabubuhay ang iba sa ganoong karangyaan habang taon ang aabutin bago nila makumpleto ang bayad sa inutang nilang motorsiklo.

Bilang pinunong tinawag ng bayan, inaasahan si PNoy na makidama at manatiling malapit sa maliliit niyang nasasakupan. Maaari namang maging mabilis ang biyahe sa tuwid na landas kahit di Porsche ang sasakyan, di ba?

Gayunpaman, sa gitna ng kontrobersiyang ito, makikitang mahal na mahal si PNoy ng kanyang mga kababayan. Karamihan sa mga bumabatikos sa kanya sa usaping ito ay iyong mga suki at ayaw na sa kanya bago pa man siya maupo. Pero para sa mas nakararami niyang tagasuporta — na sa panaginip lamang makakasakay sa Porsche — walang kaso kahit anong gawin ng Pangulo sa kanyang sweldo, basta’t di niya tayo ninanakawan.

(Pinoy Gazette)