Nais kong ibahagi ang ilan lamang sa napakarami kong New Year wishes para sa bayang itong pugad ng ating luha’t dalita:
1. World peace. Hindi naman sa pagpapaka-Maria Venus Raj, pero kailangan ng kapayapaan sa mundo kung di natin nais mabura sa mapa. Sa girian ng mga kapwa-Asyanong Hilaga at Timog Korea, maaari tayong madamay kung mamalasin tayo.
2. Peace talks. Nawa’y magtuluy-tuloy na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng komunista at mga rebeldeng Moro. Tingnan sana ng mga tao sa gobyerno ang ugat ng rebelyon upang maunawaan nila kung bakit hindi ito matapus-tapos. Manghinayang nawa ang bawat panig sa maraming buhay na nilalamon ng digmaan.
3. Katarungan para kay Gloria. Kung si Joseph Estrada ay nakasuhan at nakulong dahil sa pandarambong, makadaupang-palad din sana ni Gloria Macapagal-Arroyo ang hustisya. Nawa ay maipaliwanag niya kung bakit kailangan niyang tawagan ang isang Comelec commissioner habang binibilang ang kanilang boto, kung saan napunta ang pondo para sa pataba ng mga magsasaka, kung ano ang papel nilang mag-asawa sa NBN-ZTE deal, at iba pa.
4. Pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa. Tumaas ang toll fee pagsapit ng Bagong Taon. Siguradong susunod na rito ang pamasahe, at dahil sa domino effect, ang mga bilihin. Sana naman, sa taong ito, maisama mga nagtataasan ang sahod ng mga manggagawa.
5. Tapat na lingkod-bayan. Madagdagan sana ang mga pinuno at kawani ng pamahalaan na nasa kanilang puwesto para maglingkod at tumulong sa bansa, at hindi para mangurakot at magpayaman.
5. Mabuting Pilipino. Nawa’y mas dumami ang lahi ng mga Pilipinong nagtatapon ng basura sa basurahan lamang, marunong pumila, sumusunod sa ilaw-trapiko, nagbabayad ng buwis, at bumibili ng produktong Pilipino.
6. Malusog na mamamayan at ligtas na bayan. Iwasan nawa tayo ng dengue at iba pang mga sakit, at nawa’y di na natin makasalubong si Ondoy at ang kanyang mga katropa.
7. Matinong Internet at mobile services. Madalas, pakiramdam natin ay niloloko tayo ng mga kumpanya ng cellphone at Internet services. Nawawala ang load, mahirap pumasok at pabagu-bago ang unli promos, napakabagal ng mobile Internet access, at kamakailan, pumayag ang NTC na maglagay ng broadband data cap –- lilimitahan ang laki o dami ng datos na mada-download ng user. Sana mabago na ito ngayong taon.
8. Higit na tagumpay para sa Azkals. Namayagpag noong 2010 ang national football team ng Pilipinas. Lalo nawa silang makasulong sa mga panrehiyon at pandaigdigang paligsahan.
9. Patuloy na pag-aalab ng Pinoy Pride. Sa mga nakalipas na taon, mas tumindi ang pagpapakita ng mga Pilipino ng pagmamahal at pagyakap sa ating kakanyahan at pagkakakilanlan. Sa mga disenyo man o iba pang larangan, manatili sana ang ganitong kalakaran.
10. Pangmatagalang lovelife para kina Noynoy at Kris Aquino. Kay Noynoy, para di na mapunta ang oras niya sa kaka-date ng mga bagong babae kada isa o dalawang buwan, at mas makatutok siya sa paglilingkod sa bayan. Kay Kris, para di na rin siya poproblemahin ng kanyang kuya.
Kayo, anu-ano ang wishes ninyo ngayong 2011?
(Pinoy Gazette)