Sa isang panayam sa telebisyon kamakailan, sinabi raw ni retired Archbishop Oscar Cruz na may ilang grupong nagbabalak na alisin sa pwesto si Pangulong Noynoy Aquino dahil sa kawalang-kakayanan ng huli sa pamumuno sa bansa.
May military component daw ang isa sa mga grupong nagbabalak ng masama kay Noynoy, at ang isa naman ay may sapat na pananalapi para mapondohan ang destabilisasyon.
Kapareho nito ang palagay ng tsuper ng nasakyan kong taxi kamakailan. Maaaring mga mangangalakal daw ang may kagagawan ng pagpapasabog ng bus sa EDSA. Iyon daw ay nagsisilbing babala sa administrasyong Aquino na huwag magtaas ng buwis at pagpapakita ng kapangyarihan nila laban sa pangulo.
Totoong may mga dahilan para madismaya ang marami sa bagong administrasyon. Una na rito ang pumalpak na rescue sa mga hinostage na Hong Kong tourists noong Agosto, na naging sanhi ng kamatayan ng 10 katao.
Sunud-sunod din ang matitinding krimen gaya ng carnapping at karumal-dumal na pagpatay sa mga car dealers. Ang tila kawalang kontrol na ito ng pulisya ay isinisisi ng ilan sa pagtatalaga ni Noynoy bilang tagapangasiwa ng kapulisan sa kanyang walang karanasang matalik na kaibigan.
At habang nakaamba ang pagtaas ng pamasahe ng tren, jeep, at bus, bumili si Noynoy ng mamahaling sasakyang Porsche. Ikinadismaya ito ng mga kritiko. Tinawag nilang insensitive ang pangulo sa kalagayan ng mahihirap niyang kababayan.
Matapos mabalitaan ang pahayag ni Bishop Cruz, agad na itinanggi ng Council on Philippine Affairs o COPA — ang usual suspect sa mga usapin ng destabilisasyon — na may kinalaman sila sa ganitong plano. Di nga naman kapanipaniwala ang ganito dahil ang isa sa mga lider ng COPA ay isa sa mga unang humikayat kay Noynoy na tumakbong pangulo. Ang isa pang lider ng COPA ay kapatid naman ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Samantala, ang grupong Magdalo — na binubuo ng mga dating rebeldeng sundalo — ay nagbalik-loob na rin sa pamahalaaan at nagpahayag na ng suporta sa kasalukuyang administrasyon.
Bukod pa rito, hindi makukuha ng alinmang grupong magtatangkang magpatalsik kay Noynoy ang suporta ng mga mamamayan.
Malinaw ang pagkakapanalo ni Noynoy sa nakalipas na halalan. Mahigit 15 milyon ang nagluklok sa kanya sa puwesto nang di kinailangan ang mahika ng Hello Garci. May mga dati pa siyang kritiko na napabilib matapos maramdaman ang katapatan ng pagsisikap niyang ayusin ang buhay nating mga Pinoy. Mataas din ang +64 na pinakahuling satisfaction ratings ng pangulo sa survey ng Social Weather Stations. Maging sa isyu ng Porsche, hati ang mga mamamayan at marami ang nagsasabing ayos lang ito dahil sariling pera naman ang ginamit niya.
Higit sa lahat, nakikita ang pagsisikap ng gobyerno ni Noynoy na tuparin ang pangunahing pangako nito: ang pagsugpo sa corruption sa pamahalaan. Desidido si Noynoy na panagutin ang rehimeng Arroyo sa mga kasalanan nito sa bayan. Lumalabas din ang mga kontrobersyal na detalye ng katiwalian sa sandatahan lakas at suportado ng administrasyon ang mga matatapang na saksing gaya ni Heidi Mendoza. Nabibisto na rin ang umano’y kaugnayan ng ilang opisyal ng pulisya sa mga carnapper.
Kung may mga nagnanais na matanggal sa pwesto si Noynoy, karamihan sa kanila marahil ay yaong mga apektado ng kanyang krusada laban sa katiwalian.
(Pinoy Gazette)