Laman ng mga balita ngayon dito sa Pilipinas ang pagsisikap ng pamahalaan na iligtas ang tatlong Pilipinong nahatulang mabitay sa Tsina dahil sa pagpupuslit doon ng ipinagbabawal na gamot.
Sa utos ni Pangulong Noynoy Aquino, bumisita si Pangalawang Pangulong Jojo Binay sa Tsina para iapela ang buhay ng mga kababayang nakatakda nang bitayin. Sa kanyang pagbabalik, masayang ibinalita ni Binay na ipinagpaliban muna ng Tsina pagpapataw ng parusang kamatayan kina Ramon Credo, Sally Villanueva, at Elizabeth Batain.
Ayon sa DFA, 72 pang Pilipino na nahatulan ng bitay ang nabigyan ng dalawang taong palugit.
Umiiral ang emosyon sa pagsasalaysay sa media ng kanilang mga kwento. Ginagamit din ng ilan ang kasalukuyang sitwasyon bilang pagkakataon para sisihin ang pamahalaan sa sinasabi nilang pagpapabaya sa mga OFW na nahaharap sa mga kaso sa ibang bansa.
Sa gitna ng lahat ng ito, kailangang linawin ng gobyerno kung bakit ginagawa nito ang lahat para mailigtas sa tiyak na kamatayan ang mga Pilipinong nahatulan na sa hukuman ng ibang bansa.
Hindi kasi maiiwasan ng iba na magtanong: bakit labis ang atensyon at oras na ginugugol ng pamahalaan sa convicted drug traffickers? Nasa kulturang Pinoy nga ba ang impunity o pagpapalusot sa mga nagkasala? Pinababa ng Ombudsman ang kasong pandarambong ni Heneral Carlos Garcia. Hindi natanggal sa puwesto si Gloria Macapagal-Arroyo kahit huling-huling nagpaplanong mandaya sa eleksyon. Kahit nangurakot ng tinatayang lima hanggang 10 bilyong dolyar, hindi naparusahan ang mga Marcos. Si dating Unang Ginang Imelda, tuluy-tuloy pa rin sa paglalamiyerda!
Kaya naman malinaw dapat ang pagpapahayag ng gobyerno na tungkulin nitong asikasuhin ang kapakanan ng bawat Pilipino sa buong mundo, kabilang kahit yaong mga nahatulang maysala sa anumang krimen. Ikalawa, may umiiral na polisiya ng di pagpapatupad ng parusang kamatayan sa ating bansa, kaya ganoon na lamang ang pagnanais nating mailigtas ang mga kababayan natin sa China.
Mahalaga ang ganitong paglilinaw ng layunin at dahilan sa mga kilos ng pamahalaan sa usaping ito. Hindi dapat magkaroon ng pagtingin na ang pagsisikap na mailigtas sina Credo, Villanueva, at Batain ay pangungunsinti ng pamahalaan ng Pilipinas sa drug trafficking, lalo pa’t marami sa mga gaya nila ay alam ang kanilang pinapasok.
Dapat ding paulit-ulit na kumbinsihin ang maraming Pilipino na ang madaliang pera kapalit ng ilegal na gawain sa ibang bansa ay kulang pang kapalit ng masasamang bagay na maaaring mangyari sa kanila kung sila’y mahuli. Paalalahanan din dapat silang kung nais nilang magpakamatay, huwag nilang isasama ang bayan sa hukay. Ang sakit ng kalingkingan, damay ang buong katawan, ika nga.
Magsilbi rin sana itong aral sa pamahalaan. Kailangan nang puksain ang sistema ng katiwalian at kahirapang nagtutulak at nagbubulid sa marami nating mga kababayan sa apoy ng kapahamakan.
(Pinoy Gazette)