Tila taglagas ngayon para sa partidong inaasahang magpapasibol ng bagong pulitika sa bansa.
Sunud-sunod ang mga kaso ng pagpatay sa mga lider at kasapi ng makakaliwang grupong party-list at mga kaalyado nitong grupo.
Kamakailan, habang naghahanda sila para sa isang pagtitipon sa UP ng mga aktibista upang iprotesta ang mga pagpatay at tatalakayin ang umano’y lumalalang paglabag sa kanilang mga karapatang pantao, bigla namang pumutok ang balita ng pagpatay sa isa na namang nilang kapanalig.
Binaril at napatay habang nagpapahinga sa kanyang tahanan sa Angeles City noong Marso 17 si Victor Concepcion, 68, pangkalahatang kalihim ng Aguman Deng Maglalautang Deng Capampangan na kaalyado rin ng Bayan Muna. Siya na ang ikalima sa mga napatay sa linggong iyon, ayon sa tanggapan ni Bayan Muna Rep. Teddy Casi?o. Apat na mataas na opisyal naman daw ng kanilang partido ang pinatay o nananating nawawala mula pa noong sinundang linggo.
Isang organizer ng Anakpawis sa bayan ng Jose Panganiban sa Camarines Norte, si Joel Reyes, ang binaril at napatay noong Marso 16. Bago iyon, noong Marso 10 si Ernesto Bang, Public Information Officer ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang itinumba sa may hagdanan ng kanyang bahay sa Brgy. Malangkaw Basud, Labo Camarines Norte. Mga elemento ng 31st Infantry Battalion ng Southern Luzon Command ng Philippine Army raw ang pinaghhinalaang salarin ng mga kasamahan ng mga biktima.
Hinihingi ng mga aktibista sa pamahalaan na aksyunan ang dumadalas na pagpatay sa kanilang mga kasamahan. Sa isang privilege speech, hinikayat din ni Casi?o ang Pangulo at ang pamunuan ng pulisya at hukbong sandatahan na atasan ang kanilang mga tauhan na igalang ang karapatan ng mga kasapi ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela at iba pang aktibistang organisasyon.
Nagiging target ng mga pagpatay ang mga lider at kasapi ng Bayan Muna at mga kaalyado nitong grupo dahil sa akusasyon ng ilang opisyal ng gobyerno na ang mga grupong ito ay front organizations ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front.
Itinatag noong 1999, nakiisa at nanguna ang Bayan Muna sa mga lumipas na party-list elections. Layunin nitong madala sa Kongreso ang pakikibaka ng mga organisasyong masang kumakatawan sa iba’t ibang sektor tulad ng mga manggagawa?t magsasaka, kababaihan, kabataan at propesyunal, mga katutubo, at iba pa. Ang pangalan at prinsipyo ng partido ay isa–Bayan Muna! Ibinabandila nito ang tunay na bagong pulitika sa bansa.
Dating lider ng mga rebelde ang pangulo ng partido, si Rep. Satur Ocampo. Mula sa gubat at mga lansangan, ang kanyang pagsalunga sa kaayusan ay dinala niya sa ligal na sistema.
Paulit-ulit nang hinikayat ng gobyerno–lalo na ng Pangulo–ang mga rebelde na isuko ang armadong pakikibaka. Tutal daw, may demokrasya na ngayon. Pero bakit tila bulag, pipi’t, bingi ito sa kasalukuyang kalagayan?