Hindi ako masyadong mahilig manood ng sine. Kadalasan, nanonood lang ako kapag mga paborito kong artista ang bida. Kahit mga DVD, iniisnab ko kapag ang pagpipilian ay ito at ang pag-i-Internet. Kaya nga dehado nga ako sa mga usapan tungkol sa Hollywood films. Pero naisip kong ngayong bagong taon, kapag may pagkakataon at pera, di ko palalagpasin ang mga pelikula ng mga paborito ko, gayundin ang yung mga kontrobersiyal at inaabangan ng marami.

Unang araw pa lamang ng taon ay nasa sinehan na ako, kasama ang aking kasintahan at ang kanyang mga magulang. Pahero kaming Sharonian ng mama ng girlfriend ko, kaya ang “Mano Po 6: A Mother’s Love” ang pinanood namin gamit ang mga libreng tiket mula sa Citibank. Bahagi ang “Mano Po 6” ng taunang seryeng ipinapalabas tuwing Metro Manila Film Festival, pero sayang at walang kaugnayan sa isa’t isa ang mga istorya sa Mano Po series. Mas okay sana kung ang series ay sanga-sangang istorya ng isang malaking kuwento.

Anu’t anuman, ang “Mano Po 6” ay kuwento ni Melinda Uy (Sharon Cunera), isang Filipina-Chinese na nawalay sa kanyang mga anak matapos maghirap at mabalo. Kinuha ng mayamang pamilya ng kanyang asawa ang kanyang tatlong anak, pero naiwan sa kanya ang isa. Nagsumikap siya hanggang sa makabangon at mapantayan ang negosyo nila. At habang patuloy siyang nangungulila sa mga anak na nawala sa kanya, tila nawalan siya ng atensiyon sa natira sa kanya. Kung paano niya mababawi at kanyang mga anak — at ang kanilang pagmamahal at tiwala — ang isasalaysay sa pelikula. Siyempre, hindi katakatakang mahusay ang pagganap ng Megastar, ganundin ng mga kasama niya, lalo na sina Dennis Trillo at Heart Evangelista.

Pagkatapos ng drama, first time naman namin ng girlfriend ko na makapanood ng full-length movie sa 3D, at ang “Avatar,” ang makulay at futuristic na pelikula ni James Cameron pa ang napanood namin. Taong 2154 sa buwang Pandora ng planetang Polyphemus, nagmimina ang isang korporasyon ng mamahaling mineral na doon lamang matatagpuan. Sa pamamagitan ng genetic engineering ay kokopyahin ng mga tao ang katawan ng mga Na’vi — ang mga nilalang na naninirahan sa Pandora — para mapaamo nila ang mga ito. Avatar ang tawag sa mga kinopyang katawang Na’vi, na mapapagalaw sa pamamagitan ng mental link. Ang bidang si Jake Sully (Sam Worthington), isang lumpong dating US Marine, ay operator ng avatar. Papasok siya sa isang mala-kahong makina, at ang kanyang diwa ay lilipat sa avatar. Sa piling ng mga Na’vi, magbabago ang pananaw at maapektuhan ang misyon ni Jake. Asteeg ang “Avatar,” di lamang dahil sa napakahusay at high-tech na effects, kundi sa mensaheng hatid nito.

At bago matapos ang buwan, “Paano Na Kaya?” ng paborito naming Kimerald naman ang pinanood namin. Tungkol ito sa dalagang na-inlove at shinota ng kanyang best friend. Medyo sablay ang ilang linya, pero nakakatuwa namang panoorin sina Gerald Anderson at Kim Chiu.

Nakatatlong sine ako ngayong Enero. Sana mas marami sa mga susunod na buwan.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center