Sikat na sikat ngayon dito sa Pilipinas ang Melason – isang loveteam na nabuo sa palabas na “Pinoy Big Brother” (PBB) ng ABS-CBN Channel 2. Sina Melisa “Melai” Cantiveros, tinaguriang Inday Kengkay ng General Santos City, at Jason Francisco, Boy Astig ng Mindoro, ang bumubuo sa mainit na tambalang ito.
Si Melai ay masayahin, napakaingay, at nakakatawa, samantalang si Jason ay tahimik, mahiyain, at mahilig matulog. Si Melai yung tipo ng babaeng hindi artistahin, pero pupuwedeng maging komedyanteng maaaring gumanap na anak o nakababatang kapatid ng isa pang komedyanteng si Marietta Subong, na mas kilala bilang Pokwang. Si Jason naman ay maliit na lalaki, pero may kaputian, at umiidolo kay Robin Padilla.
Sa PBB, pinagsasama-sama sa iisang bahay na puno ng kamera ang mga contestant na napili mula sa napakaraming nag-audition. Iba’t iba ang katauhan at pinagmulan ng mga napiling housemate sa bahay ni Kuya, at namumuhay silang magkakasama sa loob ng ilang buwan nang walang anumang pakikipagtalastasan sa sinuman sa labas ng bahay (liban na lamang sa paminsan-minsang pagbisita ng mga kilalang personalidad o piling-piling kaanak).
Layunin daw ng palabas na ipakita o palabasin ang tunay na mga ugali ng mga housemates. May mga task at games na ginagawa ang mga housemate, at ang lahat ng ito – pati na kanilang pagtulog – ay maaaring mapanood 24 oras, ng mga tagasubaybay sa labas. May mga kilala nga akong napupuyat sa kakapanood ng livestream ng PBB. Ang mga piling eksena sa loob ng PBB House ay pinagtagni-tagni at siyang ipinapalabas sa telebisyon gabi-gabi.
Sa season na ito, ang kuwento ng Melason ang pinakaminahal ng mga manonood. Nagsimula sa biruan ang kanilang pagtatambal sa loob ng “bahay ni Kuya” – ang tawag sa Big Brother house, pero unti-unti silang nagkadevelop-an. Ang biru-biruan, nauwi sa totoong ligawan. Pinakilig nila ang milyun-milyong fans na araw-araw na sumubaybay sa kanilang buhay sa loob ng pinakasikat na bahay sa buong bansa.
Nang matapos na ang palabas at maideklarang big winner si Melai at third placer si Jason, bawat show na puntahan nila ay dinudumog ng mga tagahanga. Ngayon pa lamang, may mga niluluto nang bagong palabas ang estasyon na pagbibidahan ng dalawa.
Ang Melason ay di gaya ng tipikal na loveteam tulad ng tambalan nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz na di-kataka-takang kakiligan ng mga manonood. Mga simpleng tao lang sina Melai at Jason na nagkaroon ng pagkakataong makilala ng madla. Ngunit ang pagiging simple – at karaniwan – ang naging susi upang mas mapamahal sila sa mga manonood. At habang nasa loob ng PBB House, naipakita ng Melason ang mas pagbibigay ng halaga sa pakikipagkapwa-tao at pakikipagkaibigan kaysa sa mga material na premyong maaari sana nilang makamtan.
Sa huli, ang patok ang Melason ang kanilang kuwento ay isa na namang paglalarawan ng posibilidad na kahit ang mga karaniwang tao ay maaaring sumikat at magtagumpay. Tinupad ng Melason ang mga lihim at hayag na pangarap ng marami sa kanilang mga tagahanga.
(Pinoy Gazette)