Pagbabago at pag-asa ang ang wari’y lumukob ngayong 2010 sa Pilipinas.
Nabago ang pamamaraan ng pagboto at pagbibilang ng mga boto. Nagkaroon tayo ng bagong gobyerno at bagong pangulo. Napalitan ang mga opisyal na paborito nating isumpa nang lihim. Pati pera, mababago na rin: Bago matapos ang taon, mahahawakan na natin ang mga bagong salaping ipinalimbag ng Bangko Sentral.
Sa larangan ng teknolohiya, mabilis ang tuluy-tuloy na pagbabago. Binaha tayo ng mga bagong modelo ng cellphone at lalong naging aktibo ang mga kumpanyang Pinoy. Parami rin nang parami ang Pilipinong nagko-konek sa Internet at muling nagkakaugnay.
Ngunit di lahat ay maaaring magbago nang biglaan. May mga polisiya, mga usapin, at mga reklamong di pa rin nagbabago. May mga galamay ng nakalipas na rehimen na nananatili sa puwesto at ilang personalidad sa kasalukuyang administrasyon na patuloy na gumagawa ng mga bagay na nakapagpapaalala sa atin sa akala nati’y natapos nang kalakaran. Matrapik pa rin sa Maynila. May mga taxi driver pa ring isnabero. Hindi pa rin marunong magtapon ng basura ang mga Pilipino.
Puno pa rin ng intriga’t awayan ang showbiz: Marian vs. Bela, Angelica vs. Gretchen, at Cristine vs. Sarah. Mga kalalakihan ang naging dahilan ng banggaan. Uso pa rin ang video scandals, mapa-artista o ordinaryong tao man ang nasangkot. At sina Hayden at Vicki pa rin.
Binisita rin tayo ng mga trahedya’t aksidente sa taong ito. Walong turistang taga-Hong Kong ang namatay nang magmarakulyo at mang-hostage ang isang pulis at mabigo ang rescue effort. Hinagupit pa rin tayo ng ilang bagyo. Naputulan ng mga paa si Raissa Laurel at may 40 pa ang nasaktan sa isang pagsabog sa Taft Avenue pagkatapos ng bar exams. Nagkasunud-sunod ang mga aksidente sa bus, at marami pa ring mga krimen ang naganap.
Sa kabila nito, marami-rami rin naman tayong nakamit na tagumpay sa taong ito – “Major Major Wins,” ika nga ng Yahoo! Philippines Year in Review. Patuloy na namayagpag si Manny Pacquiao sa boksing. Nakarating sa finals at muntik nang makopo ni Maria Venus Raj ang korona sa Miss Universe. Lalong sumikat sa US si Charice at lumabas pa sa “Glee.” At bago matapos ang taon, lumevel-up sa Timog-Silangang Asya ang tinag-uriang Azkals, ang pambansang koponan natin sa futbol, at nagsimulang sumikat sa bansa ang larong ito.
Ngayong 2010, nanatili ang pag-asa, at patuloy tayong umaasa sa malinis na pamahalaan. Sa gitna ng ilang kapalpakan at pagkakamali sa kanyang administrasyon, base sa kanyang mga sinasabi’t ikinikilos ay may pag-asang hindi tayo lolokohin o pagnanakawan ni Pangulong Noynoy Aquino –- lalo na kung mananatili tayong mapagmatyag. Sa pagpapalaya sa Morong 43, may pag-asang muling magsimula ang usapang kapayapaan. Habang nasa DILG si Jess Robredo at nasa DOJ si Leila de Lima, may pag-asang mabago kahit paano ang mga maling estilo sa gobyerno.
Ayon sa isang kalalabas lamang na survey, positibo ang outlook ng karamihan sa ating mga kababayan sa pagpasok ng bagong taon. Hari nawa, maging maganda nga ang papasok na bagong taon para sa ating bansa.
(Pinoy Gazette)