The Social Network
The Social Network's theatrical release poster from Wikipedia

Kanina, bago ko isulat ang artikulong ito, ay tinitingnan namin ng pinsan kong si Jon Jhoe ang Facebook profiles ng mga dati naming kaklase at kababata. Ikinumpara namin ang mga larawan nila sa aming alaala at ang mga ini-upload nilang pictures sa sikat na social networking site. Tiningnan namin kung sino na ang mga nagbago ang hitsura, sino ang mga nag-asawa, at sino ang mga may anak na.

Ang Facebook na nga ang bagong Friendster. Dati, kung may mga dating kaibigan at kaklase tayong nais makatalastasang muli, hahanapin natin sila sa Friendster. Doon ay malalaman natin ang estado ng kanilang relationship: Single, married, o “It’s complicated.” Ngayon sa Facebook na natin ito ginagawa.

Nakakadiskubre rin tayo ng mga bagong kakilala at kaibigan dito. Kung ang Yahoo! -– sa pamamagitan ng mail at messenger services nito — ay nagko-connect sa atin mga taong pinakamahalaga sa ating buhay gaya ng mga kapamilya at malalapit na kaibigan, sa Facebook naman, maaari tayong mag-add ng mga taong magkakaroon ng papel sa ating buhay online.

Ironically, kung ang Facebook ay lumilikha ng mga koneksyon, ang magkaibigang nagsimula ng website na ito -– ang mga Amerikano at dating Harvard University students na sina Mark Zuckerberg at Eduardo Saverin –- ay maagang naghiwalay ng landas. Ang kuwento ng pagkakatatag ng Facebook at ng kanilang paglalaban sa korte ay isinasalaysay sa pelikulang “The Social Network” na batay sa librong “The Accidental Billionaires” ni Ben Mezrich.

Sa pelikula, makikita kung paanong inilaglag ni Mark (ginampanan ni Jesse Eisenberg) si Eduardo (ginampanan naman ni Andrew Garfield) at mawalan ang huli ng kontrol sa kumpanya. Idinemanda ni Eduardo ang dati niyang matalik na kaibigan at nakatanggap siya ng malaking halaga sa settlement.

Kinailangan ding bayaran ni Mark sa isa pang settlement ang kambal na atletang nambintang sa kanya ng pagnanakaw ng ideya ng website. Kinuha kasi nina Cameron at Tyler Winklevoss (parehong ginampanan ni Armie Hammer) si Mark para maging programmer sa kanilang website na Harvard Connection. Ngunit sa halip na magtrabaho, nakakuha si Mark ng ideya at sa tulong ni Eduardo at ilan pang mga kaibigan ay nagsimula siya ng sariling website, na naging Facebook.

Bagamat batay sa mga tunay na nangyari — lalo na sa usaping korte — ang ilang bahagi ng kuwento at ilang karakter sa pelikula ay binago, o masasabing imbento lamang. Itinanggi ni Mark, halimbawa, na ginawa niya ang Facebook para makapasok sa exclusive clubs at para makabingwit ng chicks.

Sa kabila nito, di pa rin maiwawaksi ang kabalintuanaang ang website na nagbibigay daan sa mga bagong ugnayan ay may mapait na kasaysayan ng traiduran.

(Pinoy Gazette)