Hindi pa tuluyang nakakabangon ang bansa sa hagupit ng magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng, ngunit sadya yatang di na mapipigilan ang pagdating ng unofficial campaign season. Unofficial, sapagkat sa isang taon pa dapat ito magsisimula, pero parang ganito na rin ang ginagawa ng mga kakandidato.

May kumalat sa Internet na larawan ng lalagyan ng pagkain na may naka-tape na label na “Tulong mula kay Manny Villar” at ng kanyang signature mark na check. May isa pang kumalat na litrato ng instant noodles na may sticker naman ng kanyang mukha at pangalan. Siyempre, hindi pa natin sigurado kung galing nga kina Villar ang mga relief goods na may pangalan ng pambato ng Nacionalista Party. Pero aktibo si Villar, kasama ang Wowowee host na si Willie Revillame, sa relief operations. May nalathala pa nga sa diyaryo na larawan niya habang namimigay ng relief goods.

May bagong commercial din sa telebisyon si Villar. Napapanahon pa nga ito dahil ang background music ay ang “Sandalan” ng bandang 6cyclemind: “Iiyak mo na ang lahat sa langit. Iiyak mo lang ang lahat sa akin…” Para bagang dedicated sa mga biktima ng katatapos na trahedya ang kanta.

Maging ang itinuturing ng marami na people’s candidates na sina Noynoy Aquino at Mar Roxas ay tahimik na tumutulong din sa pamamahagi ng relief goods na nakolekta ng kanilang Tulong Bayan relief operation. Mabuti naman at mukhang di nila pinaplasteran ng mga pangalan nila ang mga ipinamimigay nila. Pero napapadalas din ang biyahe nila sa Mindanao para makipagkita sa mga tagaroon.

Si Gilbert Teodoro, na nag-anunsiyong tatakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng Partido Lakas-Kampi-CMD, ang inaasahang makikinabang sa exposure na kakabit ng pagiging pinuno ng National Disaster Coordinating Council. Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), 4% lamang ng mga sumagot ang pumili kay Teodoro bilang lider na dapat pumalit kay Gloria Arroyo bilang presidente.

Malalaman natin sa susunod na survey kung nakinabang nga si Teodoro sa pangunguna sa disaster management efforts ng gobyerno. Mula nang bumagyo, di na lumabas sa TV ang disaster preparedness infomercial niyang may tips tungkol sa disaster preparedness. Ang simula ng bawat tip sa commercial na yun, ini-spell ang kanyang apelyido.

Si Francis Escudero naman ng Nationalist People’s Coalition ni Danding Cojuangco, ipinagpaliban ang pag-aanunsiyo ng kanyang political plans sa araw ng kanyang kaarawan. Bilang respeto raw ito sa mga biktima ng bagyo. Pero pagkalipas ng ilang araw, umere sa telebisyon ang kanyang “bagong umaga” TV commercial. Samantala, ang pinatalsik na pangulong Joseph Estrada, na dating kaalyado ni Escudero at dati na ring nagpahayag na tatakbo kapag di napagkaisa ang oposisyon, ay mukhang sasabak na sa laban.

Kahit yata ang nagbabantang bagong bagyo, di na makapagtataboy sa pulitikal na hanging dala ng ating mga pulitiko.

(Pinoy Gazette)