Bago dumating sa Pilipinas ang Bagyong Juan (na ang international name ay Megi), matitinding warning ang kumalat: posible raw maging napakalakas nito. Na naging totoo naman. Sinasabing ito na ang pinakamalakas na bagyo mula nang manalasa si Reming at pumatay ng may 1,000 dahil sa mudslides sa may Bulkang Mayong noong 2006.

Habang isinusulat ito, papalabas na ng bansa ang bagyong humagupit sa Hilagang Luzon. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pito ang namatay at siyam ang nasaktan dahil kay Juan. Halos walong libong katao ang naapektuhan, limang bahay ang winasak nang tuluyan, at 30 ang sinira ng bagyo. May mga kalsada ring di na madaanan, nawalan ng kuryente sa mga apektadong lugar, at nagkaproblema ang cell sites ng mga kumpanya ng telekomunikasyon.

Sa Kamaynilaan, ulan at kaakibat nitong baha, mahinang hangin at lalong pagsisikip ng trapiko lamang ang idinulot ng bagyo.

Kahit pitong buhay na binawi at ilan pa ang sinaktan ng bagyo, masasabing di naging sinlala ng kinatatakutan ng marami ang epekto nito. Pagkatapos kasi ng pananalasa ng mga bagyong Ondoy at Pepeng noong isang taon, naging praning na tayo. Gusto na nating mas maging handa sa mga sakuna. Sa updates ng mga tao sa social networking sites sa Internet, muling tumindi ang bahaginan ng impormasyon. Mas nakita ang concern ng mga tao sa kaligtasan ng mga kababayang inaasahang madaraanan ng bagyo.

Sa panig ng pamahalaan, nagpalit ng pangalan ang National Disaster Coordinating Council at naging NDRRMC, na may diin sa disaster risk reduction. Bago pa man dumating si Juan, mahigit 3,000 katao na ang inilikas sa Isabela at mga kalapit-lalawigan bilang bahagi ng “pre-emptive evacuation” upang di dumami ang mapipinsala.

Oras-oras na naglabas ng updates ang Pangasiwaan ng Palingkurang Atmosperiko, Heopisikal at Astronomiko ng Pilipinas o PAGASA, at gumawa ng Twitter account ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) para gamitin sa mga announcement. Mas pinasimple rin ng DepEd ang pagdedeklara kung may pasok o wala: ibinatay nila ito sa signal ng bagyo. Tila naging mas maingat din ang Philippine Coast Guard — walang naiulat na nadisgrasyang pampasaherong sasakyang dagat.

Samantala, muling napuna si Pangulong Noynoy Aquino nang magdesisyon siyang di na dumalo command conference para pag-usapan ang kahandaan sa pagdating ng bagyo. May kasunod na pulong daw kasi siya na tatalakay naman sa paglaban sa kahirapan. May mga muling kumwestiyon sa sense of priorities ng pangulo at sa kawalan niya ng interes na magpakita ng personal na leadership sa panahon ng krisis, na para bang di niya nakuha ang aral ng Manila hostage crisis.

Sa kabila nito, sa paglisan ni Juan/Megi, isang mapagpalayang buntunghininga ang wari’y sabay-sabay na binitawan ng mga Pilipino.

(Pinoy Gazette)