Napabalita noong isang linggo na sa isang panayam sa Radio Veritas, pinagbantaan daw ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Tandag Bishop Nereo Odchimar si Pangulong Noynoy Aquino na ii-excommunicate o ititiwalag ng Simbahang Katoliko ang presidente kapag ipinagpatuloy niya ang pagsuporta sa artificial family planning methods.
Sa tingin ko, ang balitang ito ay produkto lamang ng sensational reporting sa media. Sa aktuwal na interview, nagpaliwanag ang obispo tungkol sa posisyon ng Simbahan. Sinabi niyang ang ibang contraceptives ay abortifacient o pampalaglag, at ang abortion ay may karampatang parusa sa sa Simbahan: ang excommunication. Tinanong siya ng radio host kung posible bang ma-excommunicate si Pangulong Aquino, at ang sagot niya’y posible, pero di niya masasabing “proximate” o nalalapit ang posibilidad na ito. Sa kagustuhang magkaroon ng kontrobersiyal na balita, pinalabas ito ng ilang media organizations bilang pagbabanta sa Pangulo.
Samantala, bilang pagpapakita ng suporta sa reproductive health at protesta sa aniya’y pakikialam ng Simbahan, pumasok na nakapormang mala-Jose Rizal ang tour guide na si Carlos Celdran sa Manila Cathedral habang ginaganap ang isang misa. Nagtaas siya ng placard na may nakalagay na “Padre Damaso” at nagsisigaw na huwag nang makialam sa pulitika ang mga obispo. Hinuli at ikinulong ng mga pulis si Celdran. Kinasuhan siya ng CBCP ng paglabag sa Article 133 of the Revised Penal Code (offending religious feelings) at nakalaya matapos magpiyansa ng P6,000 nang sumunod na araw.
May dahilan para madismaya ang RH bill advocate na si Celdran. Puspusan nga kasi ang pangangampanya ng Simbahan laban sa reproductive health bill. Pero kabastusan ang ginawa niya. Kung hindi siya sang-ayon sa paniniwala ng ibang tao, sana naman ay iginalang niya ang teritoryo at seremonya nila. Kung halimbawang habang ginagawa niya ang tour, may biglang humarang sa grupo niya, nagpakita ng plakard, at nagsisigaw, matutuwa kaya siya?
Ang mga ganitong protesta, sa tingin ko, ay maaari pang masabing makatarungan kung patungkol sa mga tanggapan o opisyal ng gobyerno dahil may pananagutan sila sa publiko. Samantala, ang Simbahan ay private entity at accountable sa kanilang liderato at sa mga mananampalataya.
Sa usapin ng reproductive health at artificial family planning, hindi dapat ang Simbahan ang batuhin ng mga protesta. Tututol at tututol talaga ang mga obispo dahil labag ang mga panukalang ito sa paniniwala nila, at ang pagbabantay sa moralidad ng lipunang Pilipino ay gawaing inako nila bilang mga alagad ng Diyos. Di natin sila maaaring busalan, dahil bilang mga mamamayan at bahagi ng civil society ay may karapatan silang magpahayag.
Ang mas dapat bigyan ng pressure ay ang mga opisyal ng pamahalaan: ang pangulo, ang mga mambabatas, at ang mga lokal na opisyal. Trabaho nilang siguruhin ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan at bigyan sila ng mapagpipilian. Kahit magtutuwad sa pagprotesta ang mga obispo, puwedeng puwede silang dedmahin ng mga opisyal ng gobyerno. Sa buong sambayanan — at di lamang sa mga Katoliko — kasi sila may pananagutan.
Tama ang posisyon ni Pangulong Aquino sa isyu ng family planning: Pinakikinggan at iginagalang niya ang posisyon ng Simbahan, pero pinaninindigan niya ang tungkulin ng estado na bigyan ng kaalaman at mapagpipilian ang mga pamilyang Pilipino.
(Pinoy Gazette)